WIJK AAN ZEE, Netherlands - Matapos ang isang araw na pahinga, magbabalik sa aksyon si Filipino Grand Master Wesley So sa fifth round ng 73rd Tata Steel-Corus Group B chess championships.
Apat na draws ang nakamit ng Filipino champion sa kanyang apat na laro sa torneo.
Makakaharap ng 17-anyos na si So si GM Surya Shekhar Ganguly ng India sa isa sa pitong laban na nakatakda sa fifth round dito sa de Moriaan Community Center.
Hahawakan ng tubong Bacoor, Cavite, pinamunuan ang Group C ng torneo noong 2009 at tumapos na fourth-placer sa Group B noong 2010, ang itim na piyesa laban kay Ganguly.
Si Ganguly, nakuha ang kanyang GM title sa 35th World Chess Olympiad sa Slovenia noong 2002, ay miyembro ng koponang tumulong kay GM Viswanathand Anand para sa kanyang world title matches laban kina GM Vladimir Kramnik noong 2008 at GM Veselin Topalov noong 2010.
Kabilang sa mga naka-draw ni So ay sina GM Le Quang Liem ng Vietnam, GM Garbriel Sargissian ng Armenia, GM Jon Ludvig Hammer ng Norway at GM Zahar Efimenko ng Ukraine.
Haharapin naman ni solo leader GM Luke McShane ng England si GM Laurent Fressinet ng France sa top board.