Romero tiwala sa ilalaro ng Patriots sa pagsagupa sa Dragons
MANILA, Philippines - Kampante ang Philippine Patriots team owner na si Mikee Romero na mailalabas ng kanyang koponan ang puso ng isang kampeon sa pagharap nila sa KL Dragons sa AirAsia ASEAN Basketball League (ABL) Season 2 semifinals.
Ito ang ikalawang sunod na pagkakataon na magkikita ang Patriots at Dragons sa semifinals ng ABL at gaya noong nakaraang taon ay hawak ng nagdedepensang kampeon ang homecourt advantage sa best of three series.
Pero marami ang nagdadalawang isip kung makakaya nga ng Patriots na daigin uli ang Dragons para makabalik ng Finals na kung saan ang makakalaban ay ang mananalo sa pagitan ng top team Chang Thailand Slammers at Singapore Slingers.
Dalawang beses sa tatlong laro hiniya ng Dragons ang Patriots at kanilang nilagyan ng tuldok ang pangingibabaw gamit ang 92-74 dominasyon noong Disyembre sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.
“The semis series will separate the men from the boys,” wika ni Romero na kasama si Tony Boy Cojuangco ang team owners ng koponan.
“They have beaten us twice and they have bullied us during our game in Kuala Lumpur. Its time for the team to show how tough we are. It’s payback time for the Philippines,” dagdag pa nito.
Kumbinsido rin si coach Louie Alas na kayang bumawi ng Patriots pero dapat nilang maintindihan na hindi nila madadaan ang asam na panalo sa pag-outscore sa kalaban.
“Kailangang 40-minutes na depensa. Malakas ang Dragons kaya sa depensa dapat namin daanin ang laro,” wika nito.
Ang Game One ay gagawin sa bagong venue na Ninoy Aquino Stadium sa ganap na alas-4 ng hapon at nananalig ang pamunuan ng Patriots na dudumugin ito ng mga Pinoy para suportahan ang home team na nagnanais na maging kauna-unahang back to back champion sa ABL.
Ang Game Two ay itinakda sa Enero 26 sa MABA Gym sa Malaysia at kung magkakaroon ng deciding Game Three, ito’y lalaruin sa Pilipinas sa Enero 30.
- Latest
- Trending