Jr. NBA Basketball Camp, mas pinalaki ngayon

MANILA, Philippines - Mas pinalawig na Jr. NBA Basketball Camp ang isasagawa sa 2011 na magtitiyak na patuloy ang pagsibol ng mga mahu­hu­say na batang basketbolista at magpapalakas sa pangarap na makita ang isang Pinoy na naglalaro sa NBA.

Pormal na inilunsad ang ikaapat na sunod na taon ng programa kahapon sa Ynares Sports Center sa Pasig City at puno ng pag-asa ang mga namumuno na magiging matagumpay uli ang taong ito.

“We’re really excited for this year because we will again touch the coaches of the Philippines who will then touch today’s future basketball star in this country,” ani Sr. Director for Basketball Development NBA Asia Pacific Ed Winkle.

Si Jr. NBA coach Frank Lopez pa rin ang kinuha para mamahala sa mga clinics at inihayag niya ang patuloy na paniniwala na maisasakatuparan din ang asam ng bansa na makita ang isang Filipino na naglalaro sa NBA.

Pero sa camp na ito matitiyak na uusbong ang kaalaman sa basketball bukod pa sa pagdebelop ng mga batang kasali na magsisimula sa edad 10 ang matuto ng tamang pag-uugali para mas maging mabuting mamamayan.

“Ang paglulunsad ay sinabayan ng una sa tatlong araw na coaching clinic at may 200 coaches mula sa iba’t-ibang lugar sa bansa ang dumalo.

Magkakaroon din ng ganitong clinics sa Bacolod, Cebu at Laguna at matapos nito ay ang mga kabataan naman ang pagtutuunan ng programa sa pamamagitan ng Jr. NBA Open Regional Selection Camps.

May 50 batang manlalaro mula sa Regional camps na ito ang pipiliin at dadalhin sa Xavier School sa San Juan City para sa NBA Training Camp mula Abril 9 hanggang 11.

Ang sampung pinakamahuhusay na manlalaro ay masasama naman sa bubuuing Jr. NBA All Star team na ipadadala sa US upang makipaglaro sa ibang All Star team mula sa ibang bansa.

Ang pinakamahusay na Filipino coach sa Camp ang hihirangin bilang Coach of the Year at itatalaga rin bil­ang assistant coach ng All-Star team.

Ang Alaska Milk na 25 taong naglalaro sa PBA ang pangunahing tagapagtaguyod ng Camp na tatagal ng tatlong taon.

Show comments