PH Patriots lusot sa BritAma sa OT, No. 2 sa semis

MANILA, Philippines - Nailabas din ng Philippine Patriots ang tikas na nawala sa huling dalawang laro nang kunin ang 77-74 overtime panalo sa Satria Muda BritAma sa pagta­tapos ng AirAsia ASEAN Basketball League (ABL) elimination nitong Sabado sa BritAma Arena sa Jakarta, Indonesia.

Nakitang naglaho pa­rang bula ang 12 puntos kalamangan papasok sa huling yugto, 64-52, nang nakatabla ang Brit­Ama sa regulation, 71-all, nagtulong-tulong sina Alex Crisano, Steve Thomas at Gabe Freeman sa over­time na kung saan na-out­score nila ang host team, 6-3, para wakasan ang 15-game elimination tangan ang 9-6 karta.

Si Crisano ang nagpasi­mula sa opensa sa overtime nang makaiskor ito ng unang basket at nagbigay ng magandang assist kay Thomas para sa 77-71 kalamangan.

Isang free throw ni Marcus Morrison at jumper ni Doni Ristanto ang itinugon ng BritAma pero hindi na nakalapit pa ang mga ito dahil sa depensa ng Patriots.         

Tampok rito ang mga isi­nablay sa tres nina Morrison at Mario Wuysang pa­ra pormal na mamaalam ang runner-up sa Patriots noong nakaraang taon sa 6-9 baraha.

Si Thomas ang namuno sa bisitang koponan sa kanyang 21 puntos, 19 rebounds, 5 steals at 2 blocks habang si Freeman na naglaro na may foul trouble, ay may 18 puntos at 13 rebounds. Si Crisano naman ay naghatid pa ng 9 puntos 6 rebounds at tig-isang steal at assist.

Minalas naman ang KL Dragons na matalo sa Brunei Barracusas, 73-87, na nilaro sa Brunei para malaglag sa 8-7 karta.

Dahil dito, ang Patriots ang lalabas na number two seed at may mahalagang homecourt advantage sa kanilang best-of-three series nila ng Dragons.

Sa Linggo gagawin ang Game One sa Ynares Sports Arena sa Pasig City bago lumipat sa MABA Gym ang Game Two sa Enero 23. Ang game three kung kakailanganin ay sa Ynares sa Enero 30.

Show comments