MANILA, Philippines - Hindi nasayang ang magandang inilaro ng Pilipinas sa eliminasyon nang talunin uli ang Singapore, 14-6, para kunin ang Asia Pacific Zone Pony Mustang Baseball Championship kahapon sa Vinh Yen Baseball field sa Vinh Phuc Province, Vietnam.
Di tulad sa kinuhang 13-3 panalo sa eliminasyon laban sa Singapore, napalaban ang Little Razcals nang makaalagwa sa 5-1 ang katunggali matapos ang tatlong inning.
Pero tila nagpadehado lamang ang koponang inilahok ng Philippine Tot Baseball Federation (PTBF) dahil sa fourth inning ay agad na tinabunan ang four-runs kalamangan ng Singapore nang magpasabog sila ng 8 matitinding runs tungo sa 9-5 bentahe..
Sa pangyayari, tinapos ng Pilipinas ang apat na bansang torneo gamit ang 4-0 karta. Bukod sa Singapore ay nanalo rin ang bansa sa Vietnam, 26-3, at Indonesia, 21-16.
Ang panalo ay nagbigay karapatan din sa Pilipinas na katawanin ang Asia Pacific sa Pony Mustang World Series sa Texas sa Agosto.
Hinirang naman na Most Valuable Player ay ang pitcher na si Atong Natanauan.