MANILA, Philippines – Magkaroon ng magandang pabaon patungong semifinals ang sisipatin ngayon ng Philippine Patriots sa pagbangga sa Satria Muda BritAma ng Indonesia sa pagtatapos ng elimination ng AirAsia ASEAN Basketball League ngayon sa BritAma Arena sa Jakarta, Indonesia.
Kailangan ng Patriots na manalo upang makaiwas sa paglasap ng tatlong sunod na kabiguan na maaaring magpababa pa sa morale ng koponan na nagbabalak nga na maging kauna-unahang back-to-back champion ng regional league.
Matapos matalo sa double-overtime sa Chang Thailand Slammers, 76-83, ay hiniya naman ng KL Dragons ang nagdedepensang kampeon sa Ynares Sports Center sa Pasig City sa 92-74 dominasyon.
Ang Patriots at Satria Muda BritAma ang siyang naglaban sa Finals ng season one pero pareho silang nangangapa sa taong ito.
May 8-6 karta ang Patriots upang makasalo ang Dragons sa ikalawa at ikatlong puwesto papasok sa huling araw ng elims.
Kalaban ng Dragons ang Brunei Barracudas at kung pareho silang manalo ng Patriots ay tatanganan ng Malaysia ang homecourt advantage sa kanilang best-of-three semifinals series.
Dapat pumukpok sina imports Gabe Freeman at Steve Thomas bukod pa sa mga locals ng Patriots dahil todo-bigay ang gagawing paglalaro ng home team na ngayon ay mayroon lamang 6-8 karta.
Kung papalarin at maduplika ang itinalang 82-78 panalo nang huling nagkita noong Disyembre 4 sa nasabi ring lugar, mananatiling buhay ang maliit na tsansa ng BritAma na maalpasan pa ang eliminasyon.
Ang kalaban ng BritAma sa huling puwesto sa Playoffs ay ang Singapore Slingers na kalaro naman ang top team at may homecourt advantage sa Playoffs na Slammers.