UST Tigers, Adamson Lady Falcons humataw ng panalo sa pagbabalik ng UAAP baseball at softball events
MANILA, Philippines - Napanatili ng UST at Adamson ang matikas na porma sa pagbubukas ng UAAP baseball at softball events.
Hindi sinayang ng Tigers ang break na nakuha sa bottom ninth inning nang iuwi ang 5-4 panalo kontra La Salle sa extended inning para kunin ang ikaanim na sunod na panalo sa baseball kahapon sa Rizal Memorial Baseball Field.
Isang catching error ang ginawa ni Archers first baseman Gabriel Baroque upang makatungtong si Amber Plaza na ninakaw pa ang second base.
Nakuha ng La Salle ang ikalawang out kay Juhan Teves bago tumungtong si John Conge na kumunekta ng hit patungong centerfield at mapapasok si Plaza para sa 4-4 iskor.
Binokya ng depensa ng UST ang La Salle sa unang panalo sa 10th inning bago minalas muli ang Green Archers na nagkaroon pa ng error para makatungtong si Jiovanni Ona. Sunod na papalo si Argel Kasulhay na bumanat ng double sa centerfield upang mapaiskor rin si Ona ng winning run.
Kailangan na lamang ng UST na mawalis ang nalalabing apat na laro upang tanghaling kampeon ng liga.
Hindi naman natinag ang winning streak ng Adamson Lady Falcons nang kunin ang 7-0 panalo sa La Salle (1-5) sa pagbabalik aksyon ng softball nitong Sabado sa Rosario Softball Diamond sa Pasig City.
Hiniritan ng UE (5-1) ng isang 10-3 panalo ang Ateneo (1-5), habang ang pumapangatlong UST (4-2) ay kumubra ng 9-2 tagumpay laban sa UP (1-5).
- Latest
- Trending