MANILA, Philippines - Bilang paghahanda sa kanyang paghahamon kay Mexican world bantamweight champion Fernando “Cochulito” Montiel, isang Mexican fighter rin ang kinuha ng kampo ni Nonito “The Filipino Flash” Donaire, Jr. bilang sparmate.
Hinugot ni Mexican trainer Robert Garcia si top lightweight contender Brandon ‘Bam-Bam’ Rios para sa preparasyon ni Donaire laban kay Montiel.
Ito ay para sa kanilang world bantamweight championship fight na nakatakda sa Pebrero 19 sa Mandalay Bay sa Las Vegas, Nevada.
Magkasama na sina Donaire at Rios sa roadwork at track and field runs at sabay ring sumasailalim sa hypoxic training sa ilalim ng SNAC ni Victor Conte.
Itataya ni Montiel ang kanyang mga suot na World Boxing Council (WBC) at World Boxing Organization (WBO) bantamweight titles laban kay Donaire.
Ibabandera ng 33-anyos na si Montiel, tinalo na sina Filipino challengers Z “The Dream” Gorres at Ciso “Kid Terrible” Morales, ang 43-2-2 win-loss-draw ring record kasama ang 33 KOs, laban sa 28-anyos na si Donaire (25-1-0, 17 KOs).
Sapul noong 2006 ay panay panalo ang nakuha ni Montiel kung saan walo sa kanyang huling 10 laban ay sa pamamagitan ng stoppage.
Layunin ng tubong Talibon, Bohol na si Donaire na maagaw kay Montiel ang mga hawak nitong WBC at WBO bantamweight belts sa likod ng kanyang nine-year, 24-fight winning streak.
Pinahinto ni Donaire si dating world bantamweight king Wladimir Sidorenko via fourth-round TKO sa kanyang huling laban noong Disyembre 4, 2010.
Si Donaire ang umagaw sa International Boxing Organization (IBO) at International Boxing Federation (IBF) flyweight titles ni Vic Darchinyan.