Patriots asam ang No. 2 spot vs Dragons
MANILA, Philippines – Pipilitin ngayon ng Philippine Patriots na makopo ang ikalawang seeding at mahalagang homecourt advantage sa pagbangga sa Westports KL Dragons sa AirAsia ASEAN Basketball League Season 2 ngayon sa Yñares Sports Arena sa Pasig City.
Ganap na alas-6 ng gabi itinakda ang labanan at ‘must-win’ ang Patriots sa Dragons para sa bentahe papasok sa best- of -three semifinals.
Ang nalasap na 76-83 kabiguan ng Patriots sa Chang Thailand Slammers noong nakaraang Linggo sa Bangkok ang tumapos sa hangarin ng nagdedepensang kampeon na maging number one dahil sinelyuhan ito ng Slammers sa 10-3 karta.
“Hindi man namin nakuha ang number one standing ay may laban pa naman kami na maging number two. Gagawin namin ang lahat para makuha ito,” wika ni coach Louie Alas.
Sina Steve Thomas at Gabe Freeman ang muling aangkla sa kampanya ng Patriots na dapat ding humugot ng mainit na paglalaro sa mga locals.
Tanging si Egay Billones na gumawa ng 23 puntos laban sa Slammers ang nakitaan ng tibay ng laro sa locals dahilan upang magalit si Mikee Romero na katuwang si Tony Boy Cojuangco ang may-ari ng koponan.
Pinulong ni Romero at Cojuangco ang coaching staff na ginawa upang alamin kung ano ang nangyayari sa koponan at malamya ang kanilang ipinakikitang paglalaro.
Nasa ikalawa pa rin ang Patriots sa standings sa 8-5 karta pero hindi sila nagdo-domina gaya noong nakaraang taon.
Ang Dragons na kani-lang tinalo sa semifinals sa Season I ay napahirapan ang Patriots.
- Latest
- Trending