MANILA, Philippines - Hindi dapat magkumpiyansa si Manny Pacquiao na inaasahang magiging liyamado sa pagsampa nila ni Sugar Shane Mosley sa ring sa Mayo 7 sa MGM Grand Arena sa Las Vegas.
Bagamat marami ang nagsasabing hindi makakapagbigay ng matinding laban ang 39-anyos na si Mosley, ang katotohanang nasaktan niya si Floyd Mayweather Jr. ang isa sa dapat na ikonsidera ni Pacquiao bago ito maniwalang madaling laban ang kanyang haharapin sa unang laban sa taong 2011.
Muntik ng napatumba ni Mosley si Mayweather nang nagkaharap noong Mayo pero sinuwerte ang walang talong dating pound for pound king na nakaligtas sa matinding atake nito.
Ilan nga sa mga naniniwalang magandang laban ito ay ang papasibol na boksingerong si Paul Spadafora na dating hari ng IBF lightweight.
Naniniwala siyang pinakamahusay na boksingero sa ngayon si Pacquiao dahil sa kanyang bilis at lakas sa pagsuntok.
Pero ibang kalaban si Mosley na aniya ay halos kasing-bilis at kasing-lakas ni Pacman.
“You can never, ever sleep on Shane Mosley. I think if I had to put my money on it, it would be 50-50 odds. I’d have to go with Mosley I would go with Mosley because he’s bigger, stronger, faster and more experienced,” wika ni Spadofora na hindi pa natatalo sa 46 laban at dating sparmate ni Mayweather.
Maging ang mga nirerespetong boxing writers sa US na sina Eric Raskin at Graham Houston ay naniniwalang may ibubuga si Mosley.
“Sugar Shane is arguable just as fast as Pacquiao, probably hits harder, is definitely bigger and strong and has just as much super fight experience,” wika ni Raskin ng Ring Magazine.
Alam naman ito ni trainer Freddie Roach kaya isa sa inaalis nito sa isipan ni Pacquiao ay salitang kumpiyansa.
Dahil sa inaasahang mabigat na laban na haharapin kung kaya’t walong linggo ang pagsasanay na gagawin nila ni Pacquiao at ang unang apat na linggo ay gagawin sa Baguio City mula Marso 7 habang ang huling apat na linggo ay isasagawa sa Los Angeles.
Itataya ni Pacquiao ang hawak na WBO welterweight division sa labang handog uli ng Top Rank Promotions.