Super Senior Award ibibigay kina Salamat, Hermida ng UAAP-NCAA Press Corps
MANILA, Philippines - Memorableng pamamaalam sa collegiate basketball ang mangyayari kina Borgie Hermida ng San Beda at Eric Salamat ng Ateneo.
Ito ay mangyayari dahil sina Hermida at Salamat ang hinirang para sa Super Senior Award na ipamimigay ng UAAP-NCAA Press Corps Collegiate Basketball Awards sa Enero 17 sa Topaz 1 ng Gateway Suites sa Cubao, Quezon City.
Ang parangal ay sisimulan ganap na alas-7 ng gabi at bibigyan ng pagkilala ng mga mamamahayag ng iba’t-ibang pahayagan na kumober sa dalawang prestihiyosong collegiate leagues ng bansa ang mga kuminang sa nagdaang season.
Si Hermida ang siyang nagbigay ng gabay sa Red Lions upang makumpleto nila ang kauna-unahang 18-0 sweep sa NCAA.
Naghatid ang 5’8 guard ng 11.4 puntos, 5.6 rebounds, 5.7 assists at 1.1 steals para tulungan ang Lions na makumpleto ang makasaysayang paglalaro sa pinakamatandang liga.
Patunay sa kahusayan ni Hermida ay ang pagtuntong na niya ngayon sa PBA at kasapi ng Barako Bulls.
Si Salamat naman ay nagtala ng 11.3 puntos, 4.1 assists at1.9 steals upang maikampay pa rin ng Eagles ang kanilang pakpak tungo sa paghablot ng kanilang ikatlong sunod na titulo sa UAAP.
Hindi inakala ng marami na may kakayahan pa ang Eagles na makapagdomina lalo nga’t wala na ang tatlong kasapi ng starting five noong 2009 na sina Rabeh Al-Hussaini, Nonoy Baclao at Jai Reyes.
Pero ang mga natirang beterano sa pangunguna ni Salamat ay nagtulung-tulong para makuha ang tagumpay.
Ihahandog ng Smart at suportado rin ng ACCEL, 316, FilOil, Terrilicious, Gatorade, San Miguel Corporation at Philippine Sportswriters’ Association (PSA), tampok na parangal din ang ibibigay kina Ateneo coach Norman Black at San Beda mentor Frankie Lim bilang mga Coaches of the Year.
- Latest
- Trending