MIAMI - Maski ang isang 20-point deficit ay hindi nakapigil sa Miami Heat.
Humakot si LeBron James ng 25 points at 10 assists, habang may 25 points rin si Dwyane Wade upang tulungan ang Heat sa pagbangon buhat sa isang 20-point deficit para igupo ang Golden State Warriors, 114-107.
Ito ang 17th victory ng Miami sa huli nilang 18 games.
Nagdagdag naman si Chris Bosh ng 20 points at 11 rebounds para ilapit ang Heat sa Boston Celtics sa liderato ng Eastern Conference.
Tangan ng Celtics ang .031 percentage points laban sa Heat.
Umiskor naman si dating Heat forward Dorell Wright ng 30 points para sa Golden State sa kanyang unang pagbabalik sa Miami.
Nag-ambag si Monta Ellis ng 25 para sa Warriors kasunod ang 15 ni Stephen Curry.
Gumawa ang Golden State ng 36 points sa first at second quarters bago nalimita sa 35 sa kabuuan ng second half.
Nagtumpok sina James, Wade at Bosh ng pinagsamang 35 points sa second half para sa Miami. Tumapos si David Lee na may 13 points at 12 rebounds para sa Watrriors.
Sa Denver, ipinilit ni Carmelo Anthony na mabigat ang kanyang mga tuhod.
Halatang nangalawang si Anthony sa kanyang pagbabalik sa Denver lineup matapos ang isang two-week absence dahil sa pagkamatay ng kanyang kapatid na babae kamakailan.
Ngunit sinagip naman siya ng kanyang mga ka kampi para ihatid ang Nuggets sa 104-86 victory kontra Sacramento Kings.
Nagtala si Anthony ng 15-of-18 fieldgoals at tumapos na may 16 points at 10 rebounds.
Hindi pa naglalaro si Anthony matapos noong Disyembre 18.
May 2-3 rekord ang Nuggets nang hindi maglaro si Anthony.
Pinangunahan ni Chauncey Billups ang Denver sa kanyang 22 points.
Sa Washington, kumana si Trevor Ariza ng season-high 22 puntos upang tulungan ang New Orleans na payukurin ang Wizards sa iskor na 92-81.
Naglista si Emeka Okafor ng 17 puntos at season-high 15 rebounds para sa New Orleans.
Nagposte naman si Wizards rookie point guard John Wall ng 12 puntos, 10 assists at gumawa ng walong turnovers--apat sa third quarter.
Nalasap ng Wizards ang kanilang pang-17 kabiguan mula sa 19 na laro.
Samantala, sa New York, pinagmulta naman ng National Basketball Association’s disciplinary officials si Orlando coach Stan Van Gundy at si Boston forward Paul Pierce bunga ng magkahiwalay na insidente nitong nakaraang linggo.
Pinatawan si Van Gundy ng $35,000 multa dahil sa kanyang hindi magandang komento hinggil sa officiating sa kanilang 112-103 panalo laban sa New York Knicks noong Huwebes.
Samantala, si Pierce ay pinatawan ng $15,000 nitong Sabado dahil sa pagbato niya ng isang bagay sa puwesto ng mga manonood noong Martes sa Conseco Fieldhouse matapos ang kanilang 95-83 panalo laban sa Indiana Pacers.