MANILA, Philippines - Lumapit sa hangaring maging number one sa eliminasyon ang magpapainit sa Philippine Patriots sa pagbubukas aksyon sa 2011 ng AirAsia ASEAN Basketball League (ABL) Season II ngayon sa Nimibutr, National Stadium, Bangkok, Thailand.
Lumipad nitong Enero 1 ang Patriots upang harapin uli ang Chang Thailand Slammers sa ikalawang pagkakataon sa kanilang homecourt at hangad na makuha ang tagumpay para magwagi sa kanilang three-game series.
Ito na ang ikatlo at huling pagkikita ng Patriots at Slammers sa triple-round elimination at naghati sila sa unang dalawang pagkikita na kung saan ang mga nagsipanalo ay nangibabaw bilang mga dayong koponan.
Unang humirit ang Air-Asia sponsor na Patriots, 54-48, sa Bangkok noong Oktubre 23 pero nakabawi ang Slammers sa 69-68 tagumpay noong Nobyembre 20 sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.
Pinalakas ng koponang pag-aari nina Mikee Romero ng Harbour Centre at Tony Boy Cojuangco ang kampanya sa pagkuha uli sa serbisyo ni Gabe Freeman upang itambal kay Steve Thomas.
May dalawang dikit na panalo ang Patriots na haharap sa Slammers na babanderahan naman ni Jason Dixon, ang partner ni Freeman sa koponan nang nagkampeon ang Pilipinas sa ABL Season I.