FIDE rating nina So, Antonio; Salvador umarangkada
MANILA, Philippines - Hindi nasayang ang pagiging aktibo nina GMs Wesley So, Rogelio “Joey” Antonio Jr. at Rolando Salvador sa 2010 nang umangat ang kani-kanilang mga rankings sa World Chess Federation (FIDE).
Apat na puntos ang nakuha ni So nang lumahok sa 2010 Spice Cup Fall Double Round Robin na ginanap noong Oktubre sa Lubbock, Texas.
Dahil dito ay aangat ang ELO rating ni So sa 2673 sa Enero buhat sa 2669.
Ang dating pinakamataas na ELO ratings ni So ay 2674 na nakuha niya nitong Hulyo.
Pakay ngayon ni So na makapasok sa 2700 upang mapagtibay ang pagiging pinakamahusay na chess player ng bansa.
Si Antonio naman ay lumapit sa 2600 Super GM ELO rankings dahil uusad na ang kasalukuyang 2573 tungo sa 2589 sa Enero.
Si Salvador na dating manlalaro ng Rizal Technological University (RTU), ay magkakamit ng 2533 ELO rating sa unang buwan ng 2011 dahil na rin sa magandang ipinakita nang lumahok sa mga torneo sa Italy.
Ang iba pang manlalaro ng bansa na umakyat ay sina GM John Paul Gomez, GM Mark Paragua, GM Eugene Torre, IM Julio Catalino Sadorra at IM Oliver Barbosa.
Si Paragua ang may pinakamalaking iniangat sa nakuhang plus 11.7 para sa 2509 ELO habang si Torre ay may plus 10.7 tungo sa 2484, si Sadorra ay may plus 10.4 para sa 2473 at si Barbosa ay plus 10 tungo sa 2451. Si Gomez ay nabigyan ng plus 5 para sa 2522.
Kung may nadagdagan ay may nabawasan din sa manlalaro ng bansa at nangunguna nga rito ay si GM Darwin Laylo na nabawasan ng 11.5 upang malaglag sa 2525. Si GM Joseph Sanchez ay nabawasan din ng 1.5 puntos para sa 2517 ELO.
- Latest
- Trending