Titiklop na ang 2010 at papasok na ang panibagong taon ng 2011.
Ang bagong taon ay isang pagkakataon upang muling tumayo at humanda muli sa hamon ng buhay ang bawat isa.
Nais kong tapusin ang 2010 at umpisahan naman ang taong 2011 sa isang panalangin at pangarap para sa sports at sa mga mahihilig sa sports.
Para sa ating mga Pambasang atleta. Sana ay maging matagumpay pa ang kampanya ng bawat miyembro ng National team sa kahit na anong sports. Panatilihin sana ng ating mga atleta ang tibay ng loob at kagustuhan na mabigyan ng karangalan ang bansa. Lagi sanang iwagayway ng ating mga atleta ang watawat ng Pilipinas saan man at anumang sports ang kanilang salihan
Para sa mga opisyal ng Philippine Sports Commission. Ngayong 2011, masalansan sana ng mga ito ang prayoridad na sports. Maisakatuparan din sana ng mga ito ang sigaw ng administrasyon ni Pangulong Noynoy Aquino na tuwid na landas sa tapat at tamang paglilingkod. Ma-relalize sana ng mga ito na ang tunay na hulmahan ng mga atleta ay nasa grass roots at kabataan, at wala sa paboritismo tulad ng ginagawa nila sa kasalukuyan.
Para sa mga opisyal sa Philippine Olympic Committee (POC) at National Sports Associations (NSAs) . Maintindihan sana ng mga ito na ang pagpapalago at paghahabi ng tagumpay sa sports ay hindi nakukuha sa paboritismo at korupsyon. Magkaroon sana ng tunay na steward na sinsero at may malasakit sa sports ang bawat NSAs .
Para kay Manny Pacquaio. Maunawaan sana niya na kahit na sino ang kanyang magiging kalaban sa susunod niyang boksing ay suportado siya ng mga Pilipino. Pero malaman sana niya kung kalian ang tamang panahon ng pagbitiw sa boksing at pagsabit na ng gloves. Maintindihan sana niya na nakapag-ukit na siya ng kasaysayan at wala na siyang dapat na patunayan pa. Ito ay kahit pa manudyo si Mayweather Sr.
Para kay Nonito Donaire at sa iba pang sumisikat na mga boksingero. Masundan pa sana nila ang tagumpay ni Pacquiao upang mabigyan pa ng karangalan ang bansa.
Para sa ating mga mambabasa sa sports ng Pilipino Star NGAYON. Huwag sana kayong magsawa sa pagtangkilik. Asahan ninyo ang mas makabuluhan pang pagbibigay ng balita sa makulay na daigdig ng sports.
Happy New Year sa inyong lahat.