Patrombon kikilatisin ang mga kalaban sa Australian Open Jr.
MANILA, Philippines - Magkakaroon agad ng pagkakataon si Jeson Patrombon na makilatis ang mga makakalaban sa Australian Open Juniors Championship na isasagawa na sa Enero 23 hanggang 29 sa Melbourne, Australia.
Bago ang Grandslam event na ito ay magpapakondisyon muna si Patrombon sa Loy Yang Traralgoon International na lalaruin naman sa Enero 14 hanggang 19.
Itinalaga si Patrombon bilang ninth seed sa Aussie Juniors na kauna-unahang pagkakataon sa mahabang taon na nagkaroon ng isang seeded player ang Pilipinas sa Grandslam event.
May magandang tsansa pa si Patrombon na magkaroon ng magandang ilalaro sa Aussie Open dahil ang iba pang seeded players na kasali rito ay makakasagupa rin nito sa Loy Yang.
Ang top eight seeds na sina Jiric Vesely ng Czech Republic, Dominic Thiem ng Austria, Mate Pavic ng Croatia, George Morgan ng Great Britain, Joris De Loore ng Belgium, Roberto Baena Carballes ng Spain, Ben Wagland ng Australia at Filip Horansky ng Slovak Republic ay nagpatala rin sa Loy Yang na isang Grade I event ng International Tennis Federation.
Si Patrombon ay ranked 30th sa mundo matapos simulan ang 2010 na nasa top 300 lamang. Maaari pa siyang bumaba sa top 15 o top 10 dahil maraming manlalaro na may mas mataas na seeding kay Patrombon ang mawawala na sa talaan sa 2011.
Ito ang ikalawang sunod na taon na maglalaro si Patrombon sa Loy Yang at Australian Open at hangad niyang maipanalo ang unang laro upang mahigitan na ang naitala noong Enero.
Natalo si Patrombon kay Thomas Price ng Australia sa tatlong mahigpitang sets na 6-4, 3-6, 6-1, sa 2010 Australian Open Juniors habang yumukod din ang pambatong manlalaro ng Pilipinas kay Kevin Krawietz ng Germany, 1-6, 2-6, sa Loy Yang.
Pareho namang wala na sa talaan sina Price at Krawietz sa juniors kung kaya’t hindi malayong makapagtala ng mga upset wins si Patrombon kaharap ang mga kasing-edad na manlalaro.
- Latest
- Trending