MANILA, Philippines - Babalik uli si Engelberto “Biboy” Rivera upang mapangunahan ang gagawing kampanya ng bansa sa malalaking bowling competition sa taong 2011.
Si Rivera ay naunang nagsabi na bibitiw na sa national team matapos makuha ang gintong medalya sa idinaos na 16th Asian Games sa Guangzhou, China.
Ang panalong ito ni Rivera sa men’s singles ay nangyari matapos kunin niya muna ang bronze medal sa World Bowling Cup sa Tourin, France sa unang paglahok sa nasabing kompetisyon.
Pero napakiusapan si Rivera ng pamunuan ng Philippine Bowling Federation (PBF) na ipagpatuloy pa ang paglalaro kasabay ng pagpayag na magsasanay na lamang ito gamit ang kanyang personal coach.
“Nahirapan kasi ako dahil halos anim na oras ang training sa national team at may oras pa akong iginugugol sa rehabilitation ko. Sa compromise agreement na ito ay mabibigyan ko rin ang sarili ko na makapagpahinga bukod sa pagpapanatili sa training ko,”wika ni Rivera na binabagabag ng knee injuries sa mga nagdaang taon.
Ang pagkaudlot sa sana’y pagreretiro na ni Rivera ay nagtiyak na makapagpapadala ang bansa ng matibay na koponan na kakampanya sa 26th Southeast Asian Games sa Indonesia.
Maliban naman sa SEA Games, puntirya rin ni Rivera na manalo uli sa gagawing World Cup elimination sa bansa upang manatiling buhay ang hangaring manalo ng kampeonato ng World Cup.
Para mailagay ang sarili sa kondisyon, ilalahok ng PBF si Rivera sa gagawing Bowling World Tour kasama sina Chester King at Liza del Rosario.
Sa iba’t-ibang lugar gagawin ang Tour at magbubukas ito sa Pebrero sa Reno, Nevada.
“Mas mataas na level ito dahil ang mga makakalaban mo na rito ay hindi lamang pinakamahuhusay na manlalaro sa Asian region kundi pati mga professional bowlers ng mundo. Magandang preparasyon ito para sa amin,” wika pa ni Rivera.
Bukod kay Rivera ay umani rin ng bronze medal si Frederick Ong sa men’s singles upang makapanorpresa ang delegasyong ipinasok sa Guangzhou.