MANILA, Philippines - Kinilala ng prestihiyosong Sports Illustrated ang mga nagawa ni Manny Pacquiao sa 2010 nang iluklok nila ito bilang kanilang top story ng taon.
Sa panulat ng kolumnistang si Bryan Armen Graham na siya ring naglista sa SI’s top ten stories ng taong 2010, walang katulad umano ang nagawa ni Pacquiao sa loob at labas ng mundo ng palakasan upang iluklok ito bilang number one sa kanyang talaan.
Binanggit nito ang dalawang matitinding panalo laban kina Joshua Clottey at Antonio Margarito na pawang nauwi sa unanimous decision. Ang tagumpay nga kay Margarito ay nagbigay kay Pacquiao ng ikawalong titulo sa magkakaibang dibisyon para palawigin ang kanyang record at selyuhan ang pagiging ‘pound-for-pound’ king.
Bukod dito ay nakuha rin ni Pacquiao ang parangal bilang ‘Fighter of the Decade’ mula sa Boxing Writers Association of America, napasama sa 100 most influential people ng Time Magazine at nabigyan din ng 60 minutong profile na lumabas sa US.
Dalawa pang balita na kinasangkutan din ni Pacquiao ang nasama pa sa talaan dahil ang mainit na pagtanggap ng mga boxing fanatics sa laban ni Pacquiao na ginawa sa Cowboy’s Stadium sa Arlington, Texas ang pumangatlo, habang ang dalawang naudlot na usapin sa sana’y megafight nila ni Floyd Mayweather Jr. ang nasa ikasampu sa malaking istorya ng taon.