Pakikipagkasundo sa POC, unang hakbang ni Garcia
MANILA, Philippines – Hulyo 19, 2010 nang kumpirmahin ni Ricardo “Richie” Garcia ang kanyang appointment mula sa Malacañang para maging bagong chairman ng Philippine Sports Commission (PSC).
“To unify the Philippine Olympic Committee and the PSC is the first step,” wika agad ni Garcia, isang champion golfer at dati nang naging Commissioner ng sports agency.
Si Garcia ang pumalit kay Harry Angping na hindi nakasundo ni Philippine Olympic Committee (POC) president Jose “Peping” Cojuangco, Jr. ang tiyuhin ni Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III.
Bilang una niyang aksyon, sinabi ni Garcia na gusto niyang tutukan ang hinaharap at hindi ang nakaraang pamamahala ni Angping sa PSC.
“It’s time to look forward. What happened the past year should never happen again,” ani Garcia. “It’s time for the PSC and the POC to work together. One cannot be without the other.”
Unang naupo si Garcia bilang PSC commissioner sa panahon ni dating Pangulong Joseph Estrada noong 1998 bago nagbitiw sa pagpasok ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo noong 2000.
Ngunit ang kanyang resignation paper ay tinanggap lamang ng Palasyo matapos ang isang taon.
Noong 2003, ibinalik ni Arroyo si Garcia bilang Commissioner ngunit muling nagbitiw ang tubong Bacolod noong 2008.
Bukod kay Garcia ang iba pang nailuklok ng Malacañang bilang mga Commissioners ng komisyon ay sina dating tennis chief Buddy Andrada, baseball official at dating basketball star Chito Loyzaga, Little League Philippines administrator Jolly Gomez at champion swimmer Akiko Thomson.
Si Thomson ang tanging naiwan sa nakaraang administrasyon ni Angping, itinalaga ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo kasama sina Commissioners Jose Mundo, Erik Loretizo at Fr. Vic Uy.
Nailagay naman si Dina Bernardo ng dragon boat association bilang executive director.
“Richie Garcia has been there before. He knows what to do. I welcome the appointments,” wika ni Angping.
Bagamat may mga bagong opisyales ang PSC, kumolekta lamang ang Philippine delegation ng 3 gold, 6 silver at 9 bronze medals sa nakaraang 16th Asian Games sa Guangzhou, China noong Nobyembre 12-27.
- Latest
- Trending