MANILA, Philippines – Ang Gin Kings na ang sasagupa sa Beermen sa best-of-seven semifinal series.
Sumakay sa kanilang matibay na depensa at mainit na opensa sa fourth quarter, tinalo ng No. 3 Barangay Ginebra ang No. 6 Alaska, 97-90, sa Game Three sa kanilang ‘do-or-die’ match sa quarterfinal round ng 2010-2011 PBA Philippine Cup kagabi sa Cuneta Astrodome sa Pasay City.
Winakasan ng Gin Kings ang kanilang best-of-three quarterfinal showdown ng Aces sa 2-1 matapos angkinin ang Game 2 at Game 3.
Makakatapat ng Ginebra ang No. 2 San Miguel sa semis.
Ito, ayon kay Mark Caguioa, ang Pamaskong handog nila para sa kanilang mga fans.
“The never-say-die spirit was there,” sabi ni Caguioa, kumolekta ng 20 points at 9 rebounds para sa Gin Kings. “We don’t wanna let them down. It’s all because of the fans who are supporting us kahit na 0-1 down kami sa series against Alaska.”
Mula sa maikling 60-59 lamang sa third period, pinalobo ng koponan ni Jong Uichico ang kanilang kalamangan sa 73-61 buhat sa isang 13-2 atake sa likod nina Mark Caguioa, Ronald Tubid at Rudy Hatfield.
Ibinaon ng Ginebra ang Alaska sa 75-61 matapos ang layup ni Rico Villanueva galing sa pasa ni Caguioa sa 5:37 ng final canto.
Nauna rito, bumangon ang Ginebra mula sa isang 20-point deficit, 8-28, sa first quarter upang agawin sa Alaska ang unahan, 60-59, sa third period.
Samantala, sisimulan naman ng No. 1 Talk ‘N Text at No. 4 at nagdedepensang Derby Ace ang kanilang semis wars ngayong alas-5:30 ng hapon sa Yñares Center sa Antipolo City.
Tinalo ng Llamados ang Meralco Bolts sa quarters.
Ginebra 97 - Caguioa 20, Tubid 16, Villanueva 12, Wilson 10, Hatfield 10, Intal 7, Mamaril 2, Cortez 1, Miller 1, Helterbrand 0.
Alaska 90 - De Vance 21, Tenorio 18, Thoss 9, Baguio 7, Custodio 4, Hugnatan 4, Eman 3, Borboran 2, Dela Cruz 2, Cablay 0.
Quarterscores: 17-34, 36-41, 60-59, 97-90.