MANILA, Philippines - Nanumbalik uli ang sigla ng bowling sa bansa dahil sa pagpupursigi ni Engelberto “Biboy” Rivera.
Ang dating World Masters champion ay muling nagpamalas ng kahusayan sa sport nang kuminang sa dalawang malaking kompetisyon na sinalihan sa taong 2010.
Nagselyo sa puwesto ni Rivera bilang pinakamahusay na manlalaro ng taon sa nasabing sport ay nang kunin ng 36-anyos na bowler ang gintong medalya sa singles event sa Asian Games sa Guangzhou, China.
Tumipak siya ng 1,414 pins sa six-game series para talunin si Mohammed AMA Alrgeebah ng Kuwait na may 1,404 pins. Ang gintong medalya ay nagresulta rin para magkamit ng P1 milyong pabuya si Rivera mula sa Philippine Sports Commission (PSC) base sa Incentives Act.
Ang tagumpay ay nangyari matapos kumuha ng bronze medal si Rivera sa World Bowling Cup sa Toulon, France.
Nanguna pa sa isang puntos sa qualifying round, nakontento si Rivera sa bronze medal nang matalo kay Michael Schmidt ng Canada sa dalawang laro sa pagbubukas ng stepladder round.
Si Schmidt ang itinanghal na kampeon ng torneo nang manalo pa kay Matt Miller sa finals para ibulsa ang ikalawang World Cup title.
Nakisalo rin kay Rivera si Frederick Ong nang kunin naman nito ang bronze medals sa Asian Games singles event sa ginawang 1390 pins.
Sina Rivera at Ong ay magbabalik sa 2011 upang mapangunahan ang gagawing kampanya sa Southeast Asian Games sa Indonesia sa bandang Nobyembre.
Samantala, isa rin si Rivera sa pinagpipiliang maging head coach ng National team matapos na magbitiw si Jojo Canare upang tanggapin ang alok ng Egypt na siyang humawak naman ng kanilang National team.