MANILA,Philippines - Isang pagdinig sa kasalukuyang kalagayan ng cycling sa bansa ang isinulong ni Partylist Congressman Arnel Ty.
Sa pamamagitan ng kanyang House Resolution No. 766 na ipinasok sa House Committee on Youth And Sports, nais ni Ty na magsagawa ng pagdinig sa kung bakit hindi nagkaroon ng magandang resulta ang kampanya ng Pilipinas sa cycling sa idinaos na 2010 Asian Games sa Guangzhou China.
Hindi na bago kay Ty ang laro ng cycling dahil nang hindi pa nauupo bilang kinatawan ng LPG Marketer’s Association (LPGMA) ay kilalang suporter ito sa cycling at nagpapalaro pa nga kasama ang pagdaos ng LPGMA-Liquigaz Tour noong nakaraang taon.
Naniniwala si Ty na may malalim na problema ang cycling ng bansa kaya’t hindi ito nagkaroon ng medalya sa Asian Games.
Ipinunto nito na ang Pilipinas ay isang puwersa sa mga nakalipas na Southeast Asian Games dahil umani ng kabuuang walong ginto, walong pilak at siyam na bronze medals ang ipinadalang siklista sa 2003, 2005 at 2007 SEA Games.
Pero sa 2009 Laos SEAG ay hindi nakasali ang Pilipinas nang hindi palaruin ang ipinadalang koponan dahil sa kawalan ng UCI license.
Ugat ito ng pag-aawayan ng dalawang grupo sa cycling na kinapapalooban ng ICFP at ng Philcycling na pinamumunuan ni Abraham “Bambol” Tolentino na may basbas ng international cycling body na UCI.
Bagamat palaban ang Pambansang siklista sa SEA Games, iba naman ang kalidad sa Asian Games at ang huling medalyang napanalunan sa tuwing kada apat na taong kompetisyon ay nangyari sa 1998 edisyon sa Bangkok, Thailand na ibinigay ni Victor Espiritu.