Alcala naka-gold sa Singapore badminton tourney

MANILA,Philippines - Nagtagumpay si Mal­vinne Alcala sa paglahok sa Singapore Youth International Badminton Cham­pionship nang manalo ito sa under-17 division.

Ang 15-anyos na si Al­cala ay nakitaan ng init ng paglalaro mula sa simula at hindi bumaba ang kanyang intensidad tungo sa 21-15, 21-18 panalo laban kay Singaporean Xiaoyu Liang na nilaro sa Yio Chu Kang Sports Hall sa Singapore nitong Linggo.

Upang makapasok sa finals ay tinalo muna ni Alcala sina Indonesian pla­yers Nastasia Kristiani Patricia, 21-4, 21-7, at Uzchi, 21-8, 21-13, bago kinaharap si Wing Yung Ng ng Hong Kong na kanyang hiniritan ng 21-11, 21-13, panalo sa quarterfinals.

Isinunod ni Alcala si Feb­tria Adistra Ratoputri na isa ring Indonesian player, 21-16, 21-19, sa ma­higpitang semifinals match upang maitakda ang pagkikita nila ni Liang sa championship round.

Nagkaroon din ng apat pang bronze medal ang koponang ipinadala ng Phi­lippine Badminton Association na pinamumunuan ng dating First Lady Amelita “Ming” Ramos.

Balik-bansa ang mga manlalarong ito at maghahanda naman para sa Ming Ramos-Victor National Open, Youth at Corporate Badminton Championships na gagawin sa Club 650 at PSC Badminton Hall mula Disyembre 27.

Show comments