MANILA,Philippines - Tinanghal na kampeon ang La Salle-Manila sa idinaos na 2010 National Inter-Cities and Municipalities rapid chess team championship sa People’s Astrodome sa Dagupan City.
Tumayong bida para sa nasabing koponan sina Joel Pimentel at Jimsoon Bitoon nang pangunahan ang koponan sa kanilang huling tatlong laban para magkaroon ng kabuuang 16 puntos matapos ang 9-round ang La Salle-Manila. Ang tagumpay ay nagkahalaga ng P70,000.
Kinatampukan ng pagpapakitang-gilas nina Pimentel at Bitoon nang kinaharap ang Local Water Utilities Administration-Quezon City sa ikasiyam at huling round.
Tinalo ni Pimentel si Mari Joseph Turqueza habang si Bitoon ay namayani kay Jayson Mercado upang kunin ng La Salle-Manila ang 2.5-1.5 panalo.
Sa kabuuan ay umani ng pitong panalo at dalawang tabla ang nagkampeong koponan sa dalawang araw na tagisan na inorganisa ng National Chess Federation of the Philippines (NCFP) katuwang ang Dagupan City government.