MANILA,Philippines - Hindi malayong may makuha pang malalaking awards si Manny Pacquiao bago matapos ang taong 2010.
Ang World Boxing Council (WBC) na naggawad kay Pacquiao ng ikawalong titulo sa magkakaibang dibisyon nang mapanalunan ang bakanteng junior middleweight title noong Nobyembre 14 matapos ang one-sided na laban sa mas malaking si Antonio Margarito, ay naihanay sa tatlong parangal na pagbobotohan ng mga opisyal ng WBC.
Ikinokonsidera ang Pambansang kamao sa hanay ng WBC Boxer of the Decade at Boxer of the Year habang ang maaksyong laban nila ni Margarito ay naisama sa Event of the Year. Nakasama ni Pacquiao sa Boxer of the Decade sina Oscar De La Hoya, Floyd Mayweather, Eric Morales, Vitali Klitschko at Pongsaklek Wonjongkam.
Nakaharap na ni Pacquiao at tinalo sina De la Hoya at Morales habang si Mayweather ang siyang nais na makita ng mga panatiko sa boxing na magtuos sa taong ito.
Ang iba pang kasama sa pinagpipilian sa Boxer of the Year na kung saan si Pacquiao ay hinirang noong 2008 at 2009, ay sina middleweight champion Sergio Martinez at light heavyweight champion Jean Pascal.
Ang mga makakakuha ng pinakamaraming boto ang siyang hihiranging kampeon sa pinaglalabanang kategorya na inaasahang iaanunsyo bago magpalit ng taon.
Isa pang Filipino boxer na si Rodel Mayol na dating hari ng WBC light flyweight title ay nakasama sa talaan sa bisa ng dalawang laban nila ni Omar Nino.
Ang unang laban na nauwi sa tabla noong Pebrero 27 ay inihanay sa Controversy of the Year habang ang ikalawang pagtutuos noong Hunyo 19 na pinagwagian ni Nino para maagaw ang titulo ay nasa kategoryang Most Dramatic fight.
Ang iba pang kategoryang pinaglalabanan ay ang Knockout of the Year, Return of the Year at Memories of our Decade para sa mga boxers na namaalam na sa mundo. (ATAN)