Django hawak na ang No. 1 spot sa WPA rankings
MANILA, Philippines - Nagbunga ang pagkapanalo ni Francisco “Django” Bustamante sa WPA World 9-ball Championships sa Doha Qatar nang lumabas siya bilang World Pool Association (WPA) number one player sa taong 2010.
Si Bustamante ay nakakuha ng 1000 puntos sa pagkapanalo sa 9-ball at isama pa ang 142 puntos sa paglalaro sa China Open ay nakalikom ng 1142 puntos.
Tinalo ni Bustamante sa parangal si Karl Boyes ng Great Britain na mayroon lamang 972 puntos. Nagkaroon ito ng 750 puntos sa World 8-ball Open bukod pa sa 142 sa China Open at 80 sa World 9-ball Open.
Lumabas naman ang husay ng mga Filipino cue-artist dahil anim pang manlalaro ng bansa ang pumasok sa top ten ng talaan.
Si Antonio Lining ay nasa ikatlong puwesto sa 940 puntos, si Jeff De Luna ay nasa ikalima sa 841, si Ronnie Alcano ay nasa ikapito sa 784, si Vinancio Tanio ang nasa ikawalo sa 759, si Marlon Manalo ay nasa pangsiyam sa 732 puntos habang si Lee Van Corteza ang nasa ikasampung puwesto sa 704 puntos.
Sina Taiwanese player Kuo Po-cheng (848) at Niels Feijen ng Netherlands (600) ang tumapos sa ikaapat at anim puwesto.
Si Rubilen Amit naman ay nalagay sa ikapitong puwesto sa kababaihan sa 869 puntos. Si Ga Young Kim ng Korea ang numero uno pa rin sa kababaihan sa 1227 puntos.
- Latest
- Trending