Medina kumubra ng 3 silver sa PARA Games
MANILA, Philippines – Hindi kinaya ni IWAS gold medalist Josephine Medina ang hamong hatid ni Jingdian Mao ng China upang isuko ang 6-11, 3-11, 6-11, straight sets pagkatalo sa finals ng table tennis 6-8 category sa idinadaos na 2010 Asian Para Games sa Guangzhou China,
Tila nawala ang husay sa laro ni Medina na umani ng tatlong panalo kasama ang 11-7, 11-8, 11-7 tagumpay kay Kim Misoon ng Korea sa semifinals, nang hindi nasabayan ng 30-anyos manlalaro ang husay ng Chinese rival para ibigay sa bansa ang ikatlong pilak na medalya.
Nauna ng nalagay sa ikalawang puwesto sina trackster Isidro Vildosola at lifter Achelle Guion para trangkuhan ang kampanya ng koponang inilalahok ng Philspada.
May dalawang bronze medal na rin ang bansa at ang huling nagbigay ng ganitong medalya ay si Roger Tapia sa larangan ng men’s 400m-T46 division. Si Daniel Damaso Jr. na isang swimmer ang unang kumuha ng bronze sa delegasyon.
Sa kabuuan ay mayroong 3 pilak at 2 bronze medals ang koponan upang malaglag sa 17th puwesto matapos malagay kahapon sa 14th place.
Pakay ng Philspada na makakuha ng limang gintong medalya upang higitan ang dalawang ginto na napanalunan sa huling edisyon ng PARA Games na ginawa sa Kuala Lumpur, Malaysia.
Ang China ay patuloy ang paglayo sa 117 ginto, 68 pilak at 56 bronze medals habang ang Japan ang umangat mula sa ikatlong puwesto tungo sa ikalawa sa 20-29-21 medal count. Nalaglag sa ikatlo ang dating nasa ikalawang puwesto na Iran sa 17-15-18 habang ang Korea ang ikaapat na bansa na may mahigit na 10 ginto na sa 14-23-22 medal tally.
- Latest
- Trending