Orendain, Capadocia kampeon
MANILA, Philippines - Kinumpleto ni eight seed Betto Orendain ang magandang ipinakita sa Philippine Sports Commission National 2010 Age Group Tennis Championships nang kunin niya ang titulo matapos talunin ang top seed na si John Altiche, 6-1, 7-6 (5), kahapon sa Rizal Memorial Tennis Center.
Hindi natinag si Orendain sa hamon ni Altiche sa tie break upang makumpleto ang straight sets na panalo sa boy’s 18-under at maipaghiganti ang tinamong kabiguan sa nakalaban sa finals ng first leg ng torneong suportado ng PSC.
Si Jella Jade Capadocia na hindi rin paborito ang kumumpleto sa pagpapasikat ng mga dehadong manlalaro nang gulatin niya ang mas nakakatandang kapatid at top seed Marian Jade Capadocia, 6-4, 7-5, para kunin ang girls 18-under division.
Unang titulo ito ni Jella Jade na narating ang finals nang silatin ang fourth seed na si Samantha Coyiuto sa semifinals.
Hindi naman nabigo ang top seeds sa girls’ 12 -under na si Erika Manduriao nang kunin ang kampeonato sa 6-0, 6-2 panalo kay Mary Rose San Jose.
Samantala paglalabanan naman nina Julian Dayrit at Mimo Tomacruz ang titulo sa 12-under sa men’s division ng naturang torneo.
- Latest
- Trending