Mongahis, Remigio nagdomina sa ITT stage
MANILA, Philippines - Naisakatuparan ng idinadaos na ICFP 2010 National Open Cycling Championships na makatuklas ng bagong pangalan nang manalo si Nelson Mongahis sa 40-km Individual Time Trials kahapon sa Jala Jala, Rizal.
Umabot sa 47 siklista ang lumahok sa panimulang araw sa dalawang araw na road races at si Mongahis ang lumabas na pinakamatulin sa distansya at hiniya nga ang mga mas beteranong sina Reynaldo Navarro at Lito Atilano.
Kamag-anak ng Tour veteran na si Nilo Mongahis, si Nelson na isang bike mechanic at nanghiram pa ng bisikleta para makasali sa kompetisyon ay hindi natinag sa malakas na hangin at ilang malubak na daanan nang isumite ang pinakamabilis na tiyempo na 57 minuto at 8.86 segundo.
Mas matulin siya kay Navarro na ikalawa at huling siklistang nakapagtala ng mababa sa isang oras na tiyempo sa 57:28.32 habang si Atilano ay nasa malayong ikatlong puwesto sa 1:00:16.42.
“Gusto ko talagang manalo kaya kahit maghanap ako ng mahihiraman ng bike para magamit ko. Masaya ako dahil nanalo ako,” wika ni Mongahis.
Ang panalong ito ni Mongahis ay patunay sa naunang sinabi ni ICFP president Dr. Philip Ella Juico na marami pang mga mahuhusay na siklista na hindi pa natutuklasan kung kaya’t pinangunahan niya ang pagbabalik ng National Open.
Suportado rin ng Shang-ri-La Finest Chinese Cuisine, Pepsi, Gatorade, Magnolia Water and New San Jose Builders, nakisalo kay Mongahis sina Ana Marrisa Remigio nang kunin ang female elite habang si McJohn Lili ang nagdomina sa juniors division.
Ikalawang gintong medalya ang kinuha ni Anna Marissa Remigio sa kompetisyon nang makapagsumite ng 32:16.24 tiyempo para talunin si Kaye Lopez, ang nangibabaw naman sa 1000m individual pursuit kamakalawa. Si Lili ay nagkaroon ng tiyempo na 1:03:23.36 para talunin si Lawrence Mendoza na mayroong 1:04:21.81.
Si Mayor Ely Pillas ang siyang naggawad ng tropeo sa mga nagsipanalo.
Samantala, magtatapos ang kompetisyon ngayon sa pagtakbo ng 165-km road race mula Quezon City hanggang Laguna at babalik ng QC.
Ang mga bigating siklista ng lansangan ang inaasahang tutugon kapag pinaputok na ni QC Mayor Herbert Bautista ang starting gun bilang hudyat ng pagsisimula ng kompetisyon.
- Latest
- Trending