MANILA, Philippines - Bago ang laro, sinabi ni coach Junel Baculi sa kanyang mga Energy Boosters na ilabas na ang kanilang mga nalalaman para manalo sa kanilang huling laro.
Ito nga ang ginawa ng kanyang mga bataan.
Dalawang krusyal na freethrows ang isinalpak ni Dennis Daa sa natitirang 0.4 segundo upang itakas ang dramatikong 85-83 panalo ng sibak nang Barako Bull laban sa nagdedepensang Derby Ace sa elimination round ng 2010-2011 PBA Philippine Cup kagabi sa Araneta Coliseum.
“Sabi lang sa akin na coach (Baculi) sana lahat ng intensity namin ipakita namin para at least next conference galing kami sa panalo,” sabi ni Daa.
Tinapos ng Barako Bull ang kanilang eight-game losing slump para ilista ang 3-11 rekord sa ilalim ng 11-3 baraha ng San Miguel, may hawak ng isa sa dalawang ‘twice-to-beat’ incentive sa quarterfinals, kasunod ang Barangay Ginebra (9-3), Talk ‘N Text (9-3), Derby Ace (7-7), Meralco (6-7), Alaska (6-7), Air21 (6-7), Rain or Shine (5-7) at talsik na ring Powerade (3-10).
Bagamat natalo, may tsansa pa rin ang Llamados na makaiwas sa No. 7 at 8 spots sa quarterfinals.
Kinuha ng Energy Boosters ang 51-43 lamang sa 11:08 ng third period hanggang maagaw ng Llamados ang unahan sa 76-72 sa 7:12 ng fourth quarter mula sa three-point shot ni Jonas Villanueva.
Huling natikman ng Derby Ace ang lamang sa 83-81 buhat sa basket ni James Yap sa 1:42 ng laro kasunod ang long jumper ni Sunday Salvacion para itabla ang Barako Bull sa 83-83 sa huling 41.8 segundo.
Ang tumalbog na jumper ni Jerwin Gaco sa natitirang 20.8 segundo para sa opensa ng Llamados ang nagresulta sa pagtawag ng timeout ni Baculi sa huling 12.7 segundo kung saan niya pina-drive si Reed Juntilla.
Isang offensive rebound ni Daa ang naglagay sa kanya sa freethrow line mula sa foul ni Rico Maierhofer sa nalalabing 0.4 segundo para sa kanyang dalawang charities.
Ito ang pang limang dikit na pagkakataon na nabigo ang Barako na makalagpas sa elimination round sa huling limang torneo.
Nagtapos rin ang Photokina franchise bilang No. 10 team sa pang limang sunod na komperensya na dumaig sa apat ng Elasto Painters noong 2006-07 Philippine Cup hanggang 2008 Fiesta Conference.
Barako Bull--Salvacion 15, Isip 13, Daa 11, Andaya 10, Viray 6, Juntilla 6, Hubalde 5, Dimaunahan 5, Yee 5, CRUZ 4, Wainwrightn 2, Hermida 2, Alonzo 1.
Derby Ace --J. Yap 22, Gaco 12, Villanueva 12, Canaleta 8, R. Yap 8, Allado 6, Acuna 4, Maierhofer 4, Salvador 4, Pingris 3.
Quarterscores:22-26; 48-43; 66-68; 85-83.