MANILA, Philippines - Sa pagpasok pa lamang ng taong 2011 ay hihikayatin na ng Philippine Sports Commission (PSC) ang mga National Sports Association (NSAs)na magsumite ng kanilang mga programa para sa 26th Southeast Asian Games sa Palembang, Indonesia.
Ito ang inihayag ni PSC chairman Richie Garcia kaugnay sa kanilang gagawing paghahanda para sa naturang biennial event.
“Starting January (2011) we will be asking the NSAs to push for a program in preparation for the Southeast Asian Games,” sabi ni Garcia sa kanyang gagawing hakbang sa Enero ng 2011.
Sa nakarang SEA Games sa Laos, nagtapos ang Team Philippines bilang fifth-placer sa nakolektang 38 gold, 35 silver at 51 bronze medals sa ilalim ng Thailand (86-83-97), Vietnam (83-75-57), Indonesia (43-53-74) at Malaysia (40-40-59).
Ayon kay Garcia, bibigyan niya ng mas malaking pondo ang mga sports associations para sa gagawing pagsasanay at paghahanda ng mga national athletes para sa 2011 SEAG.
Itinakda ng Indonesia, namahala sa nasabing sports event noong 1979, 1987 at 1999, ang 2011 SEAG sa Nobyembre 11.
“We are trying to increase the budget for the NSAs from P300 million before, now we want to increase it to P400 million,” wika ni Garcia.
Ang dagdag na pondo ay manggagaling sa mga natipid ng sports commission sa janitorial at security services.
Tatlong gold medals naman ang iniuwi nina boxer Rey Saludar, bowler Biboy Rivera at cue artist Dennis Orcollo sa nakarang 16th Asian Games sa Guangzhou, China.