Team Phl 5 gold ang iuuwi sa Para Games
MANILA, Philippines - Tiwala ang pamunuan ng Philippine delegation sa 2010 Asian Para Games na mahihigitan nila ang naabot ng koponang naglaro sa Kuala Lumpur, Malaysia apat na taon ang nakalipas.
Ayon kay Michael Barredo, pangulo ng Philspada at head delegation ng koponang maglalaro sa Guangzhou China, limang ginto ang pinaniniwalaan niyang kayang maiuwi ng 34 atletang ilalaban sa pitong sports na lalahukan ng bansa.
“We’re very optimistic because we are basing our projection on records and training of our athletes,” wika ni Barredo na nakasama ni Butch Weber na dumalo sa PSA Forum kahapon.
Ang mga larong sasalihan ng bansa sa kompetisyong itinakda mula Disyembre 12-19 ay sa athletics, swimming, powerlifting, table tennis, judo, ten pin bowling at cycling.
Nag-uwi ang delegasyon sa Malaysia ng dalawang ginto, limang pilak at sampung bronze medals at kasama nga sa ipadadala sa China si Juanito Mingarine na naghatid ng ginto sa athletics apat na taon na ang nakalipas.
Ang iba pang posibleng pagkuhanan ng ginto ng bansa ay ang Paralympian Adeline Dumapong sa powerlifting, Arnel Abas at Mary Grace de Vera sa swimming, Gerry Gonzales sa shotput at Josephine Medina sa table tennis.
Aalis ang delegasyong bubuuin ng 51 katao ngayon at sa opening ceremony ay makakasama si Bise Presidente Jejomar Binay na dadalo rin sa pagtatanghal.
- Latest
- Trending