Goco, Castillo tumumbok ng panalo sa B-League tourney
MANILA, Philippines - Ipinamalas uli nina Ritchy Goco at Eliezer Castillo ng St. Clare College-Caloocan ang kanilang husay sa larong bilyar upang mapangunahan ang B-League tournament na ginaganap sa Star Billiards Center sa Quezon City kamakailan.
Umani ang dalawa ng pitong panalo sa siyam na laro para isulong ang nangungunang karta sa 19 koponan sa 15-3 baraha.
Sa patnubay ni coach Bernie Diswe, tinalo ng St. Clare ang Our Lady Of Fatima University, 3-0; Adamson University, 2-1; at San Sebastian College, 2-1, sa ligang suportado ng PCSO, Accel, Hermes Sports Bar, Bugsy Sports, Negros Billiards Stable at Philippine Star.
Hindi nakalasap ng talo sina Goco at Castillo. Si Goco ay nanalo kina John Dennis de Leon ng Fatima (7-1), Arvee Cabrera ng Adamson (7-3), at Benjamin Canega ng San Sebastian (7-3) sa 9-ball habang si Castillo ay nangibabaw sa 10-ball kina Kristopher Roxas ng Fatima (7-4), Kingfort Llovit ng Adamson (7-4), at Michael Elduay ng San Sebastian (7-2).
Hindi naman pinalad sina Kateleen Yoldi at Richard Fernandez na natalo sa mga nakalaban na sina Cabrera at Jovit dela Peña (0-5) ng Adamson habang ang tambalang Yoldi at Castillo ay nasilat din nina Timothy Zapanta at JR Vinarao (3-5), ng San Sebastian para sa dalawang pagyukod ng St. Clare.
Ang FEU, Jose Rizal University at Philippine Maritime Institute ay nakasunod naman sa ikalawa hanggang ikaapat na puwesto sa 14-4 karta. Sina Andrei Ruzi at Kenidy Ignacio ang bumandera sa FEU laban sa Mapua (2-1), NU(2-1) at Adamson (3-0) UE (2-1), Mapua (2-1) at Letran (3-0).
- Latest
- Trending