Asiad winners maglalaban-laban sa PSA athlete of the year award
MANILA, Philippines - Ang tatlong gold medal winners sa nakarang 16th Asian Games sa Guangzhou, China ang mga kandidato para sa PSA (Philippine Sportswriters Association) Athlete of the Year honor para sa taong 2010.
Inaasahang maglalaban-lalaban sina boxer Rey Saludar, bowler Biboy Rivera at cue artist Dennis Orcollo para sa naturang karangalan na ibinibigay ng asosasyon sa mga atletang nagpamalas ng husay para sa bansa.
Pararangalan rin ang mga sports personalities at entities sa naturang Annual Awards Night sa Manila Hotel sa Marso 5, 2011.
Bukod kina Saludar, Rivera at Orcollo, ang iba pang kandidato para sa Athlete of the Year award ay si pool great Francisco ‘Django’ Bustamante, naghari sa World 9-Ball title sa Doha, Qatar, at ang men’s poomsae team na kumuha ng gold medal sa 5th WTF World Poomsae Championship sa Tashkent, Uzbekistan na dumuplika sa karangalan ng women’s squad sa Egypt noong 2009. Si Rivera naman ang unang nagbigay ng ginto sa Team Philippines sa Guangzhou Asiad matapos manalo sa men’s singles event.
Sa kabila ng sumasakit na tuhod, nagpagulong pa rin si Rivera ng 1414 pinfalls para talunin si Mohammed Algreebah ng 10 pins at angkinin ang unang gold medal ng bansa sa bowling sa nakaraang dalawang edisyon ng quadrennial meet.
Binigo naman ni Orcollo ang kababayang si Warren Kiamco sa isang all-Filipino men’s 9-ball finals, 9-7, para sa ikalawang gold medal ng bansa.
Nauna nang pinagharian ni Orcollo ang 2010 Party Poker World Pool Masters 10-Ball championship sa Las Vegas matapos igupo si Japanese Toru Kuribayashi sa finals, 8-3.
Pinahiya naman ni Saludar si hometown bet Chang Yong sa men’s 52 kg. finals, 13-11, para sa ikatlong ginto ng bansa.
Ihahayag ng PSA ang iba pang honorees para sa Awards Night sa Enero.
- Latest
- Trending