Air21 kontra Barako Bull; Smbeer vs Alaska: Peek inilapit ang Texters sa twice-to-beat

MANILA, Philippines –  Dapat pa ring katakutan ang beteranong si Ali Peek.

Humugot ang 6-foot-5 power forward ng 12 sa kan­yang 25 points sa fourth quarter para tulungan ang Talk ‘N Text sa 86-81 paggiba sa Rain or Shine at patuloy na asamin ang ika­lawa at huling ‘twice-to-beat’ advantage sa quarterfinal round ng 2010-2011 PBA Philippine Cup kagabi sa Digos, Davao del Sur.

Bumangon ang Tropang Texters mula sa isang 8-point deficit sa kaagahan ng final canto para talunin ang Elasto Painters at kunin ang kanilang ikalawang su­nod na panalo.

Muling tumabla ang Talk ‘N Text sa Barangay Ginebra sa ikalawang posis­yon sa likod ng magkatulad nilang 9-3 marka sa ilalim ng San Miguel (11-2) kasu­nod ang Meralco (6-6), nag­dedepensang Derby Ace (6-6), Rain or Shine (5-6), Alaska (5-7), Air21 (4-7), Powerade (3-10) at Barako Bull (2-10).

Ang No. 1 at No. 2 teams ang magkakaroon ng ‘twice-to-beat’ incentive kontra sa No. 8 at No. 7 squads, ayon sa pagkakasunod, sa quarterfinals. At matapos ang 14-game elimination round, ang No. 9 at No. 10 teams ay tulu­yan nang masisibak.

Matapos kunin ang third period, 67-63, pinalaki ng Elasto Painters ang kani­lang lamang sa 73-65 mula sa three-point shot ni Sol Mercado sa 9:43 ng final canto.

Huling natikman ng Asian Coatings franchise ang unahan sa 81-75 sa 3:36 ng laro galing sa follow up ni Larry Rodriguez kasunod ang 9-0 atake ng Tropang Texters, ang pito rito ay mula kay Peek, upang ilista ang 84-81 abante, sa natitirang 17.5 se­gundo.

Ang tumalbog na tres ni Mercado sa posesyon ng Rain or Shine ang nag­resulta sa dalawang freethrows ni Jason Castro sa nalalabing 6.0 segundo para sa 86-81 bentahe ng Talk ‘N Text.

Samantala, asam ng Beermen na tuluyan nang makopo ang No. 1 berth sa quarterfinals sa pa­kikipagharap sa Aces nga­yong alas-6:30 ng gabi matapos ang salpukan ng Express at Energy Boos­ters sa alas-4 ng hapon sa Araneta Coliseum.

Inangkin ng San Miguel ang isa sa dalawang ‘twice-to-beat’ advantage sa quarters matapos talunin ang Me­ralco, 98-94, noong Bi­yernes.  

Show comments