MANILA, Philippines - Idedepensa ni Filipino bet Johnny Arcilla ang kanyang korona laban sa mga foreign-based players na may Filipino roots sa 29th Philippine Columbian Open (PCA).
Ang top-seeded Arcilla ay makakasukatan nina Filipino-Americans Andrew Cooney at Rickey Baylon, Filipino-German Marc Sieber at Milan-based Marc Reyes sa men’s division na hahataw ngayong araw sa PCA indoor shell claycourt sa Paco, Manila.
Hindi rin dapat balewalain si Southeast Asian Games veteran Patrick John Tierro, ilang runner-up finishes ang nakuha sa torneo.
“Matinding hamon ito. Malalakas ang mga kalaban pero handa naman akong makipagsabayan para maipagtanggol ko yung titulo ko,” wika ni Arcilla, hangad ang kanyang pang limang korona sa torneong itinataguyod ng Cebuana Lhuillier.
Sa ladies division, hindi naman makakalaro si five-time titlist Czarina Mae Arevalo.
Ang Patrimonio sisters na sina Anna Clarice at Anna Christine ang mangunguna bukod pa kina veterans Michelle Pang, Marinel Rudas at Trudy Amoranto.
Nasa listahan rin sina Filipino-Americans Mariel Ante at Desirae Krawcyk.
Kabuuang P550,000 ang nakataya sa nasabing annual event na ito ngayong taon.