National Open road race sa QC na magsisimula
MANILA, Philippines - Upang mabigyan ang mga mahihilig sa laro sa bisikleta na makapanood ng magandang aksyon, nagdesisyon ang pamunuan ng Integrated Cycling Federation of the Philippines (ICFP) na baguhin ang lugar ng pagdarausan sa road race na kabahagi ng 2010 National Open Cycling Championships.
Sa halip na sa Tanay Rizal simulan ang 165-kilometrong road race ay sa Quezon City na lamang sisimulan ang karera na gagawin sa Disyembre 11 sa alas-9 ng umaga.
‘Pinalitan namin ang lugar ng pagdarausan ng 165-kilometer road race upang mas maraming tao ang makapanood,” wika ni ICFP president D. Philip Ella Juico.
Ang Open na katatampukan din ng aksiyon sa Track at Mountain Bike ay naglalayong tumuklas ng mga bagong siklista na maaring magamit ng bansa lalo na sa 2011 Southeast Asian Games sa Indonesia.
Bubuksan ang kompetisyon sa track event sa Disyembre 6 habang ang Mountain Bike ay lalaruin sa Disyembre 8 sa Timberland Heights sa San Mateo, Rizal. Sa Disyembre 10 naman gagawin ang 40-km Individual time trial sa Jala Jala. Si Quezon City Mayor Herbert Bautista ang siyang inimbitahan upang siyang magpasimula sa karera.
- Latest
- Trending