MANILA, Philippines - Kinumpirma na ng World Boxing Association ang napipintong paglaban sa title fight sa super flyweight ng mananalo sa pagitan nina Filipino boxer Drian Francisco at Duangpetch Kokietgym ng Thailand na magsasagupa ngayon sa Bueng Kan School, Bueng Kan, Nong Khai, Thailand.
Mismo ang WBA board ay nagpasa ng resolution na naglalagay sa mananalo sa nasabing sagupaan bilang mandatory challenger ng titulo na paglalabanan sa bandang Marso.
Ang kampeon ng dibisyon ay si Hugo Fidel Cazares ng Mexico pero itataya niya ang hawak na titulo sa Disyembre 23 laban kay Japanese challenger Hiroyuki Hisakata sa Perfectural gymnasium sa Osaka, Japan.
“Mahalagang laban ito para kay Drian at alam niya ito at handa niyang harapin at ipanalo ito,” wika ni Elmer Anuran na siyang promoter ng Filipino boxer.
Tinawag na ‘Gintong Kamao’ dahil sa bangis ng magkabilang kamao, unang pagkakataon para sa 28-anyos na boksingero na lumaban sa labas ng bansa at itataya nga ang malinis na 19-0 karta kasama ang 15 KO.
Ang tanging dungis sa kanyang karta ay ang tablang laban kontra kay Nino Suelo noon pang 2007 bago rumatsada ito ng anim na sunod na panalo.
Huling dalawang laban nito ay kontra sa mga dayuhang sina Roberto Vasquez at Ricardo Nunez na parehong natalo sa pamamagitan ng technical knockouts.
Si Kokietgym naman ay todo-bigay din upang maipanalo ang laban at magkaroon ng pagkakataon na lumaban sa world title.
Beterano ng 54 laban na si Kokietgym at may 52 panalo at may 21 KO at sinasabing magreretiro na ito kung matatalo kay Francisco.
Si Francisco ang ikapitong Filipino boxer na makakaharap ni Kokietgym at sisikapin niyang wakasan din ang 6-0 karta ng Thai boxer sa mga Pinoy.