MANILA, Philippines - Hindi makikialam ang Golden Boy Promotions sa magiging negosasyon kung nais ng Top Rank na pagtagpuin sa ikatlong pagkakataon sina Mexican champion Juan Manuel Marquez at Filipino pound for pound king Manny Pacquiao.
Mismong si GBP president Oscar De La Hoya ang siyang naghayag nito bilang kanyang kontribusyon para matuloy ang pagtutuos uli nina Marquez at Pacquiao na posibleng gawin sa 2011.
Ayon pa kay De La Hoya, suportado niya ang hangarin ni Marquez na makasukatan uli si Pacquiao upang madetermina kung sino ang tunay na mahusay sa dalawa kaya’t handa niyang ipaubaya ang negosasyon sa Top Rank na ayaw makasama sa isang boxing card ang GBP.
“As president of Golden Boy Promotions, I want to make the fight between Pacquiao and Marquez. The problem is that Top Rank doesn’t want to make the fight if Golden Boy is involved,” wika ni De La Hoya sa panayam ng Televisa Deportes.
May di magandang unawaan ang Top Rank at GBP dahil pinag-agawan nila noon ang serbisyo ni Pacquiao. Naayos lamang ang gulo nang pumayag ang dalawa sa hatian ng kita sa mga laban ng pambansang kamao.
Naniniwala si De La Hoya na dapat na maganap ang ikatlong pagtutuos dahil kulang umano ang makukuhang katanyagan ni Pacquiao kung patuloy na iiwas ito sa pagharap kay Marquez.
“Pacquiao is the fight we want, the fight that Mexico wants and the fight the world wants. Marquez is better, getting stronger at the higher weights and is faster now. And Pacquiao must fast Marquez in order to get respect from the boxing world because they have unfinished business,” dagdag pa ni De La Hoya.
Dalawang beses na nagkaharap sina Pacquiao at Marquez at ang unang laban noong 2004 ay nauwi sa tabla habang ang sunod na sagupaan apat na taon ang nakalipas ay nagresulta sa split decision panalo ni Pacman.
Sariwa rin ang dalawang boksingero mula sa tagumpay at si Pacquiao ay kinuha ang WBC junior middleweight title sa pamamagitan ng unanimous decision panalo kay Antonio Margarito habang matagumpay naman na naidepensa ni Marquez ang kanyang WBA/WBO lightweight titles nang talunin si Michael Katsidis sa pamamagitan ng ninth round TKO nitong Linggo.
Matapos matalo sa ikalawang laban ay hinabol na nang hinabol ni Marquez si Pacquiao para maikasa ang ikatlong pagtutuos.
Posibleng mangyari ito pero ang laban ay gagawin sa 147-pound limit na siyang binanggit minsan ni trainer Freddie Roach.