MANILA, Philippines - Binigyan ni Chief Of Mission Joey Romasanta ng pasadong marka ang Pambansang koponan na naglalaro pa sa 16th Asian Games sa Guangzhou China,
May tatlong ginto, tatlong pilak at siyam na bronze medals na ang inani ng koponan at madadagdagan pa ito ng alinman na ginto o pilak sa larangan ng chess men’s team.
Ang medal tally ay kapos sa hangaring malampasan ang 4 ginto, 6 pilak at 9 bronze medals noong 2006 Doha Asian Games pero pasado pa rin ang ginawang kampanya, ani ni Romasanta dahil mas maliit ang bilang ng delegasyon ngayon kumpara sa nagdaang delegasyon.
“Kung ang athletes to medal ratio ang pag-uusapan ay mas maganda ang performance natin ngayon. Lumalabas nga na isa ang Pilipinas sa nagpadala ng maliit na delegasyon kumpara sa iba pang mga bansa kasama na nga rito ang Thailand at Indonesia,” wika ni Romasanta,.
Umabot lamang sa 188 ang manlalarong nakasama sa delegasyon na mababa ng 45 katao sa 233 na inilaban sa Doha na kung saan ang Pilipinas ay tumapos sa pang-18 puwesto.
Ngunit hindi naman nangangahulugan na masaya ang pamunuan ng Philippine Olympic Committee sa nangyari sa paglahok sa Guangzhou at aminado silang dapat na gumawa ng mga hakbang upang mapalakas pa ang sports ng bansa.
Kailangan ding magbuhos ng salapi ang pamahalaan sa palakasan upang mapantayan ang malayong naabot ng mga karatig bansa na gumagamit na ng mga makabagong teknolohiya para mapahusay ang kanilang atleta.
Sa kabuuan, pinuri pa rin ni Romasanta ang lahat ng manlalarong nakasama sa delegasyon dahil nakita nilang ibinigay ng mga naglaro ang kanilang determinasyon at lahat ng makakaya ngunit karamihan sa kanila ay hindi pinalad dahil sa mas mahuhusay na katunggali.
Ang 16th Asian Games ay magtatapos sa Linggo at si karatekas Marna Pabillore ang siyang itinalaga bilang flag bearer ng delegasyon sa kanilang pagparada sa huling pagkakataon sa Guangzhou.