Nationals inilaglag ng Qataris sa 6th place
GUANGZHOU - Kumulapso ang Smart Gilas Team Pilipinas sa final canto matapos mabura ang itinayong 10-point lead patungo sa 71-81 pagyukod sa Qatar sa labanan para sa fifth place sa 16th Asian Games basketball competitions.
Nawala sa Nationals ang kanilang shooting touch sa final period upang maging sixth-placer sa torneong magtatampok sa gold-medal game ng nagdedepensang China at South Korea.
Tinalo naman ng Iran, ang back-to-back Fiba Asia champion, ang Japan, 74-66, para sa bronze medal.
“Sixth place is not a good finish. We have to do a better job. We’ll assess what happened once we’re back in Manila,” pag-amin ni Smart Gilas coach Rajko Toroman.
Ang Nationals ay nagbandera kina PBA players Asi Taulava, Kelly Williams at Sol Mercado sa hangaring makausad sa semifinals.
Ito ang ikalawang sixth-place finish ng mga Pinoy matapos noong 1966 sa Bangkok, Thailand.
Kinuha ng Nationals ang isang 10-point advantage, 59-49, bago nanghina sa fourth quarter na sinamantala ng mga Qataris.
“All players struggled with their shots just like in the South Korea game,” ani Toroman.
Pinamunuan ni guard Targuy Ngombo ang Qatar mula sa kanyang 25 points kasunod ang 19 ni Ahmad Mohammed at 17 ni Suliman Abdi Khalid.
Nauna rito, binigo ng Jordan, isang qualifier sa nakaraang Turkey World Championships, ang North Korea, 79-74, para sa seventh place.
Qatar 81-- Ngombo 25, Mohammed 19, Abdi Khalid 17, Daoud 7, Ismail 7, Ali 4, Ndour 2.
Philippines 71--Williams 20, Taulava 13, Casio 10, Tiu 9, Barroca 7, Baracael 5, Lutz 3, Lassiter 2, Salughter 2.
Quarterscores: 17-17, 36-39, 60-64, 81-71.
- Latest
- Trending