MANILA, Philippines - Hindi hinayaan ni Rey Saludar na masira ang magandang ipinakikita ng Philippine boxing team nang kunin ang ginto sa men’s 52 kilogram division sa pagtatapos ng 16th Asian Games sa boxing kahapon sa Foshan Gymnasium sa Guangzhou, China.
Ginamit ng 23-anyos na si Saludar na bagito sa Asian Games, ang husay na ipinakita sa second round nang kunin ang 10-5 kalamangan bago sumandal sa depensa upang maitala ang 11-9 panalo laban sa Beijing Olympian at World Championship veteran Yong Chang ng China.
“Inisip ko na manalo at makakaya ko ang laban na ito. Natakot din ako dahil masyadong humabol siya at napagod na rin ako lalo na sa last round pero nakaiwas ako mga suntok niya,” wika ni Saludar na nasa ikalawang taon pa lamang sa Pambansang koponan at ngayon ay pupuntiryahin ang makapasok sa 2012 London Olympics.
Ang panalo ni Saludar ay pambawi sa tinamong 5-7 kabiguan ni Annie Albania kay two-time world champion Ren Can Can sa 7-5 iskor sa women’s 48-51 kilogram division.
Unang sumalang si Albania at ginawa niya ang lahat ng makakaya para maisahan si Ren na may halos limang pulgada ang taas sa kanya.
Isang suntok sa ulo ang nagpadikit kay Albania sa 6-5, pero matapos ang palitan ay nakalusot si Ren ng isang counter punch para sa dalawang puntos na kalamangan na kanyang napanatili hanggang matapos ang apat na rounds na sagupaan.
“Tingin ko panalo ako kasi ang mga suntok niya low blow at nakadepensa ako pero nakakaiskor pa rin siya. Pero pasalamat na rin ako sa Diyos sa ibinigay niyang ito sa akin,” wika ni Albania na nagbabalak na ring magretiro dahil may iniinda na sa kanyang mga mata.
Ang 19-anyos na si Victorio Saludar ay naghatid naman ng bronze medal upang maging produktibo ang anim na manlalaro na ipinadala ng ABAP.
May P3 milyong insentibo si Saludar, P1 milyon si Albania at P500,000 naman ang kay Victorio mula sa sports patron ng boxing na si Manny V. Pangilinan na tumungo sa Guangzhou upang saksihan ang husay ng mga bataan.
Ang insentibo ay bukod pa sa ibibigay na P1 milyon, P500,000 at P100,000 sa tatlong nabanggit mula sa pamahalaan base sa incentives act.
Hindi naman nagpahuli ang men’s chess team na hindi gaanong inasahan na maghahatid ng medalya nang talunin nila ang India, 2-5-1.5 sa eight round.
Nanalo sina GMs Rogelio Antonio at Eugene Torre sa boards two at four laban kina GM Krishnan Sasikiran at GM GN Gopal habang si GM John Paul Gomez ay tumabla kay GM Surya Ganguly sa board 3.
Ang puntos ng India ay kinuha ng board one player na si GM P Harikrishna kay GM Wesley So.
Matapos ang walong rounds, ang men’s team ay mayroong pitong panalo sa walong laro para sa 14 puntos at manatiling nasa ikalawang puwesto papasok sa last round ngayon.
Ang host China ay nangibabaw naman sa Iran, 2.5-1.5 para manatiling walang talo sa walong laro tungo sa 16 puntos.
Minalas naman ang Doha silver medalist Marna Pabillore sa hangaring makapag-ambag ng medalya nang matalo siya kay Fatemah Chalaki ng Iran, 1-0, sa bronze medal match sa women’s -55 kilogram division sa laro sa karatedo.
Sa hinakot na gold at silver ng boxing, umangat ang medal tally ng Pilipinas sa 3 ginto, 3 pilak at 9 na bronze medals para malagay sa ika-17 puwesto sa 36 na bansa na nanalo na ng medalya sa tuwing apat na taong torneo.