Torres pupuntiryahin ang gold ngayon
MANILA, Philippines - Magbabalik si Marestella Torres sa palaruan na kung saan gumawa siya ng makasaysayang panalo noong nakaraang taon, at ngayon ay maghahangad na mabigyan ang Pilipinas ng karangalan sa athletics sa 16th Asian Games sa Guangzhou, China.
Si Torres ay lalahok sa paboritong long jump ngayong hapon sa Aoti Main Stadium sa Guangzhou China at masidhi ang hangarin niyang mabigyan ng ginto ang Pilipinas na huli pang nangyari ay noon pang 1986 sa Seoul Korea.
Ang dating Asia’s sprint queen na si Lydia De Vega-Mercado ang siyang huling trackster ng bansa na nanalo ng ginto nang dominahin nito ang 100m sprint race sa Seoul, Korea noong 1986.
Mabigat ang laban para kay Torres, ang SEAG gold medalist mula pa noong 2005. Pero naghanda siya sa kompetisyon nang mabigyan siya ng limang buwang pagsasanay sa Germany.
Maliban sa paghahanda, sa Aoti Stadium gumawa ng marka si Torres noong 2009 at ang bagay na ito ang magpapataas pa sa kanyang morale.
Sa buwan ng Nobyembre ng 2009 ay lumahok si Torres sa Asian Athletics Championships at pinalad siyang manalo ng ginto sa event upang mawakasan ang 22-taong kawalan ng ginto ng Pilipinas sa nasabing kompetisyon.
Gumawa nga ng 6.51 meters na lundag upang makuha ang ginto laban sa manlalaro ng China.
Ang nasabing lundag ay nagawa rin ni Torres sa isang kompetisyon sa Germany para makuha ang pilak pero ang kanyang national record ay nasa 6.63 meters.
“Kabisado niya ang field na ito at puwede itong maging advantage niya,” wika ni coach Joseph Sy.
Sa naunang panayam, sinabi ni Torres na kailangan niyang makagawa ng talon sa layong 6.80m upang maging palaban sa medalya. Ang laro ni Torres ay itinakda alas-5:10 ng hapon.
- Latest
- Trending