Sharks, Bulls may tiket na sa semis
MANILA, Philippines – Kumulekta ng dalawang panalo ang Batangas habang nanaig din ang Manila upang maipagpatuloy ang pagsasalo sa liderato sa Dunkin’ Donuts Baseball Philippines Series VII kahapon sa dalawang magkahiwalay na palaruan.
Ang Bulls ay naglaro sa Rizal Memorial Baseball Field at dinurog nila ang bagitong Quezon City, 7-0, sa unang laro bago isinunod ang Cebu, 7-5.
Ang laro nila ng Cebu ay dapat naidaos noon pang Nobyembre 13 pero natigil ito at ipinagpatuloy kahapon dahil nagtabla pa rin ang dalawa sa 4-all matapos ang 14th inning.
Sa 16th inning nagkatalo nang nagtala ng apat na hits at tatlong runs ang Bulls na kinatampukan ng two-run single ni Jose Miguel San Juan upang mabasag ang tablang iskor.
Hindi naman nagpahuli ang nagdedepensang Manila na hindi pinaporma ang host Taguig, 8-0, sa larong ginawa sa Felino Marcelino Memorial Field sa Taguig.
May 3-0 ang Sharks at Bulls upang makatiyak na ng puwesto sa semis.
- Latest
- Trending