MANILA, Philippines – Ang bagong pinakamainit na koponan laban sa dating umarangkadang tropa.
Sasagupain ng mainit na Barangay Ginebra ang San Miguel ngayong alas-6:30 ng gabi sa elimination round ng 2010-2011 PBA Philippine Cup sa Araneta Coliseum.
Magtatagpo naman sa unang laro sa alas-4 ng hapon ang Alaska at Barako Bull.
Ang Gin Kings ang pinakamainit na koponan ngayon mula sa sinasakyang six-game winning streak, habang nasa isang two-game winning run naman ang Beermen matapos matalo sa Elasto Painters, 107-110, noong Nobyembre 7.
Ang naturang kabiguan sa Rain or Shine ang siyang pumigil sa ikinasang five-game winning roll ng San Miguel.
Nanggaling naman ang Ginebra sa 90-78 paggupo sa Barako Bull noong nakaraang Miyerkules na tinampukan ng hinugot ni Mark Caguioa na 14 sa kanyang 17 points sa final canto.
“I think we have enough scorers. The question is can we make stops,” ani coach Jong Uichico sa kanyang Gin Kings. “If you’re a scorer its hard to have a defensive mindset but we always have to tell and remind our players we cant rely on offense alone.
Tangan ng San Miguel ang 8-2 baraha kasunod ang Ginebra (6-2), Talk ‘N Text (6-3), nagdedepensang Derby Ace (5-5), Rain or Shine (4-5), Meralco (4-5), Alaska (4-5), Air21 (4-6), Powerade (3-7) at Barako Bull (2-7).
Matapos ang naturang pagyukod sa Elasto Painters, dalawang sunod na panalo ang kinuha ng Beermen laban sa Energy Boosters, 94-81 at Tropang Texters, 93-88.
Sina Caguioa, Willie Miller, Jayjay Helterbrand, Ronald Tubid, Eric Menk at Rico Villanueva ang itatapat ng Ginebra kontra kina Danny Seigle, Jay Washington, Dondon Hontiveros, Danny Ildefonso at Alex Cabagnot ng San Miguel.
Sa unang laro, magpipilit namang makabangon sa kani-kanilang kamalasan ang Alaska at Barako Bull.