Pacquiao wala pang balak magretiro
MANILA, Philippines – Isasantabi muna ni Rep. Manny Pacquiao ang pagbo-boxing sa mas mahalagang katungkulan, ang serbisyuhan ang kanyang mga nasasakupan sa Sarangani Province.
Tiniyak ni Pacquiao na ibubuhos na niya ang panahon sa pagiging Kongresista matapos ang unanimous decision panalo laban sa mas malaking si Antonio Margarito sa Cowboy’s Stadium sa Texas para masungkit din ang bakanteng WBC junior bantamweight division.
Sinabi rin niya na wala pa siyang balak na magretiro sa pagbo-boxing pero kailangan muna niyang ibigay ang focus sa kanyang trabaho dahil katatapos lamang niya sa isang mabigat na laban.
“Gusto kong sabihin sa lahat na hindi pa ako magreretiro. May mga laban pa akong gagawin pero sa ngayon ay isasantabi ko muna ito at focus muna ako sa pagsisilbi sa mga nasasakupan ko,” wika ni Pacquiao.
Ang Team Pacquiao ay dumating kahapon ng umaga buhat sa Los Angeles at naging mainit ang pagsalubong sa kanya mula ng lumapag sa Ninoy Aquino International Airport hanggang sa nagtungo ito sa Malacañang sa isang courtesy call.
Mismong si Pangulong Benigno Aquino III ang siyang sumalubong sa kanya sa Palasyo at binigyan siya ni Pacman ng replica ng world boxing belt bukod pa sa Team Pacquiao souvenier t-shirt.
Pinasalamatan din ni Pacquiao ang Pangulo nang tulungan siya nito para sa pagpapatayo ng kauna-unahang ospital sa Sarangani Province.
“Isa ito sa mga alalahanin ko habang nagsasanay pa ako para sa huling laban ko. Pero naalis ito nang tulungan ako ng Pangulo,” wika ni Pacquiao.
Papasok na siya sa Kongreso sa Lunes hanggang Miyerkules at matapos nito ay uuwi muna sa Sarangani Province na kung saan may inaasahang heroes welcome ang gagawin sa kanya.
Tinanong din si Pacquiao patungkol sa napabalitang tatakbo ito sa pagka-Pangulo pero ipinagkibit-balikat lamang niya ito.
“Gaya nga ng sabi ko, ang focus ko muna ay ang pagiging kinatawan ng aming probinsiya,” pahayag nito.
Tutulong din siya sa abot ng kanyang makakaya patungkol sa planong pagpapabangon sa imahin ng bansa sa mundo na isa sa pangunahing programa ng kasalukuyang administrasyon.
- Latest
- Trending