Hawak na ng Barangay Ginebra ang pinakamahabang winning streak sa 2010 PBA Philippine Cup matapos na talunin ng Gin Kings ang Barako Bull, 90-78 noong Miyerkules. Iyon ang ikaanim na sunod na panalo ng Gin Kings na ngayon ay nasa solo second place sa record na 7-2.
Nalampasan nila ang five-game winning streak ng San Miguel Beer.
Ang huling kabiguan ng Gin Kings ay sinapit nila sa kamay ng Beermen, 69-68 noong Oktubre 17. Doon actually nagsimula ang five-game winning streak ng San Miguel Beer. Ang streak na ito’y pinatid ng Rain or Shine (110-107) noong Nobyembre 7.
Bukas ay may pagkakataon ang Gin Kings na maipaghiganti ang kanilang pagkatalo sa Beermen dahil sa magtatagpo sila sa ikalawang pagkakataon sa Araneta Coliseum.
At aminado si San Miguel Beer coach Renato Agustin na magiging mahirap para sa kanila na makaulit considering na one point nga lang ang naging winning margin nila sa una nilang salpukan.
“Parang lumalakas ang Barangay Ginebra in every game,” aniya. “Pero pipilitin naming makaulit. Kasi kapag nagawa namin iyon, lalayo na kami sa kanila at sa iba pa’ng teams na naghahabol. Our target is to end the elims at No. 1 or No. 2 para may twice-to-beat advantage kami.”
Sa ilalim kasi ng tournament format, ang No. 1 ay makakatapat ng No. 8 samantalang ang No. 2 ay makakaduwelo ng No. 7. kapwa may twice-to-beat advantage ang No. 1 at No. 2 teams so isang beses lang silang manalo pasok na sila sa susunod na yugto. Malaking bentahe iyon.
Kung makakabawi ang Barangay Ginebra sa San Miguel, makukuha ng Gin Kings ang No. 1 spot sa record na 8-2 at babagsak ang Beermen sa No. 2 sa kartang 8-3. At ayaw namang bitawan ng Beermen ang liderato.
Sa salpukan ng Ginebra at San Miguel, may decided advantage ang Gin Kings sa backcourt. Napakarami ng matitinding backcourt men si coach Joseph Uichico at malamang na hindi makapag-match up ng mabuti si Agustin. Nandiyan sina Willie Miller, Mark Caguioa, Jayjay Helterbrand at Ronald Tubid among others.
At kung dati’y angat ang Beermen sa frontline dahil sa dami ng big men na tulad nina Mick Pennisi, Anthony Washington at Arwind Santos, ngayon ay nabawasan sila dahil injured si Dorian Peña.
Sa kabaligtaran naman ay nakabalik na buhat sa injury sina Eric Menk at Yancy de Ocampo upang makatuwang nina Rudy Hatfield, Billy Mamaril at Enrico Villanueva tanging si JC Intal na lang ang hinihintay ng Gin Kings.
Kumbaga’y nagpi-peak ang Barangay Ginebra sa tamang panahon at posible ngang mapalawig pa ng Gin Kings ang kanilang winning streak.
Sa totoo, ang rebanseng ito ng Barangay Ginebra at San Miguel ay magsisilbing pinakamalaking hamon sa batang career ni Agustin bilang head coach sa PBA.