P15T buwanang pensyon sa atletang nakapagbigay ng karangalan sa bansa aprobado na sa Kamara
MANILA, Philippines - Hindi pa huli ang lahat para sa mga national at professional athletes na nakapagbigay ng karangalan sa bansa.
Inaprubahan kahapon ng House committee on Youth and Sports Development ang isang house bill na magbibigay ng P15,000 monthly retirement pension sa naturang mga atleta na nagwagi ng world titles o world championships.
Kabilang sa mga inaasahang mabibiyayaan ng house bill ay sina Lydia de Vega at Elma Muros-Posadas ng track and field, bowling Hall of Famer Paeng Nepumuceno at two-time pool player world champion Efren “Bata” Reyes.
Ito ay matatanggap lamang ng mga retiradong atleta kapag naging isang ganap nang batas.
Idinagdag rin ni Puwersa ng Bayaning Atleta party-list Rep. Mark Sambar na inaprubahan rin ng panel ang pagbibigay ng health benefits na aabot sa P200,000 per hospitalization sa mga Filipino world champions.
Ang naturang panel ay pinamumunuan ni chairman Camarines Norte Rep. Renato Unico.
Ang naturang house bill ay ang pinagsama-samang House Bills 2094, 38 at 1964 na inakda nina Sambar, South Cotabato Rep. Pedro Acharon Jr. at Las Piñas Mark Villar, ayon sa pagkakasunod.
Tiniyak ni Sambar na kapag naging batas na ang nasabing house bill ay mabibigyan ng P15,000 monthly pension sina dating WBA junior lightweight king Rene Barrientos, 68; WBA junior lightweight Ben Villaflor, 68; WBA flyweight Bernabe Villacampo, 67; WBA flyweight Erbito Salvaria, 64; WBC junior lightweight Rolando Navarette, 53 at WBC flyweight Frank Cendeno, 52.
- Latest
- Trending