Patriots asam na maka-2 sa Slingers
MANILA, Philippines – Makikilatis ang husay ni Rasheim Wright sa pagsalang nito sa unang pagkakataon sa Philippine Patriots sa pagbangga nila uli sa Singapore Slingers sa pagpapatuloy ng AirAsia ASEAN Basketball League (ABL) Season 2 ngayon sa Singapore Indoor Stadium.
Pakay ng Slingers na maipaghiganti ang 59-62 kabiguan na tinamo sa Patriots sa unang pagtutuos sa Ynares Sports Arena sa Pasig City at mapag-ibayo ang kasalukuyang 3-3 karta.
May tangan man ng suporta ng manonood, hindi naman ito garantiya na mananaig ang home team lalo nga’t dalawang import ang babandera sa nagdedepensang ABL champion.
Si Donald Little, na siya lamang sumagupa sa Slingers sa unang pagkikita ay masusuportahan ni Wright, isang 6’5” US player na naging naturalized player ng Jordan.
Ang malawak na karanasan nito sa paglalaro sa mga FIBA tournaments tulad ng World Championship ang kayang malaking asset na maibibigay sa koponang pag-aari nina Mikee Romero at Tony Boy Cojuangco.
Masidhi ang hangarin ng Patriots na manalo upang makabangon sa bangungot dulot ng 56-71 pagkatalo sa Brunei Barracudas noong nakaraang Linggo.
- Latest
- Trending