MANILA, Philippines - May lalagyan ang mga flyweights sa kamao ng dating kampeon sa lightflyweight na si Brian Viloria.
Ito ang ipinakita ng 29-anyos Fil-Hawaiian ng kanyang hiritan ng seventh round TKO panalo ang nakalabang si Liempetch Sor Veerapol ng Thailand sa kanilang tagisan nitong Biyernes ng gabi sa Ynares Sports Center sa Pasig City.
Malulutong na suntok ang pinakawalan ni Viloria sa 22-anyos na si Veerapol upang dalawang beses itong humalik sa lona sa kabuuan ng laban para katampukan ang dominasyon.
Ilang magkakasunod na malakas na suntok sa ulo ang nagpatumba kay Veerapol sa ikalawang pagkakataon sa seventh round. Nakatayo pa naman ito pero inatake uli siya ni Viloria dahilan upang itigil na ni Ferdinand Estrella ang bakbakan may 2:09 sa ikapitong round.
Masaya naman si Viloria sa ipinakita pero aminado siyang may dapat pang gawin upang mapag-ibayo ang sarili lalo na kung mas mabibigat na kalaban ang kanyang haharapin.
“I need to improve on my combinations a little bit more. But overall, I think I did well,” wika ni Viloria na mayroong 28 panalo sa 33 laban kasama ang 16th KO.
Ang panalo ni Viloria ay kumumpleto sa pangingibabaw ng mga Filipino boxers sa Thai pugs dahil nakahirit din si Rodel Mayol ng seventh round TKO panalo laban kay Pompetch Twins Gym habang isang TKO panalo sa 2:08 ng first round ang iniukit ni Denver Cuelloo laban kay Kongkria Kiatpracha sa kanilang bakbakan.